Hinarang at hinarass umano ng Chinese military at coast guard ang mga operasyon ng Pilipinas sa dalawang bahagi ng West Philippine Sea nitong weekend, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Ilang beses umanong lumapit ang isang Chinese J-16 fighter sa paligid ng isang Philippine C-208 aircraft na nagsasagawa ng routine maritime patrol malapit sa Bajo de Masinloc noong Sabado, Oktubre 3. Ligtas namang natapos ng Philippine aircraft ang misyon nito.
Samantala, sinabi ng PCG na hinarangan at sinundan ng dalawang China Coast Guard vessel ang Philippine boat na nagsasagawa ng operasyon laban sa isang foreign fishing vessel na pinaghihinalaang sangkot sa dynamite fishing malapit sa Pag-asa Island.
Apat na beses din umanong umikot sa himpapawid ang isang Chinese navy helicopter. Ngunit itinigil din ng Philippine team ang pagtugis at bumalik sa Pag-asa Island.
📷: AFP


