Namataan ang tinatawag na “space jellyfish” sa Puerto Princesa City at ilang bahagi ng West Philippine Sea noong Lunes, Nobyembre 9, matapos ilunsad ng China ang Long March-12 rocket mula sa Hainan, ayon sa Philippine Navy.
Ayon sa Naval Command West, ang kakaibang liwanag ay mula umano sa paglawak ng exhaust gases ng rocket sa mataas na bahagi ng atmosphere na tinamaan ng sikat ng araw. Namataan ito ng halos isang minuto at 29 segundo. Naiulat din ang mga kahalintulad na tanawin sa ilang isla at himpilan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Inilagay naman sa heightened alert ang mga yunit at assets ng Philippine Navy bilang pag-iingat, habang patuloy ang pagbabantay at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya, komunidad sa baybayin at mangingisda para sa agarang pag-uulat ng posibleng debris o iba pang bagay na mahuhulog mula sa rocket.


