Binigyang-diin ni retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna na nananatiling 16 na boto ang kinakailangang two-thirds threshold para sa posibleng conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sa kabila ng pagliban nina Sen. Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta, Bato Dela Rosa at Loren Legarda.
Sa kaniyang pagdalo bilang amicus curiae sa Senado, ipinaliwanag ni Azcuna na ang mga sitwasyon gaya ng detention o kawalan ng presensya ay hindi dahilan upang ibaba ang kabuuang bilang ng mga miyembro.
Ayon sa kaniya, hangga’t ang isang mambabatas ay opisyal pa ring miyembro ng Senado at walang nangyaring pagbibitiw o pagpanaw, ang denominator ay dapat manatiling 24, kung saan ang two-thirds nito ay eksaktong 16 na boto.
Idinagdag din ni Azcuna na maaari pa ring payagang bumoto ang mga absent na senator-judges.
Ayon sa batikang mahistrado, bagamat hindi sila nakadalo nang personal sa mga pagdinig, pinahihintulutan silang makibahagi sa botohan dahil ang impeachment court ay gumagana bilang isang tribunal of record, kung saan madali nilang masusuri ang mga testimonya ng mga testigo sa pamamagitan ng pagbasa ng mga opisyal na transcript.
Sa kasalukuyan, nananatiling epektibo ang naunang desisyon ni Presiding Officer Chiz Escudero na nagtatakda ng 16 na boto para sa hatol, maliban na lamang kung magpapalabas ng bagong desisyon ang buong impeachment court.


