Nilinaw ni dating Supreme Court Justice Adolfo Azcuna na kailangan ang two-thirds o 16 na boto mula sa kabuuang 24 na senador para ma-convict ang isang opisyal sa impeachment trial.
Sa kanyang pagharap bilang amicus curiae o "friend of the court" sa impeachment trial, ipinaliwanag ni Azcuna ang phrase na "all the Members of the Senate" sa ilalim ng 1987 Constitution. Ayon sa kanya, ang buong membership ng Senado ang dapat basehan sa pag-compute ng threshold dahil "all means all."
Ipinaliwanag ng dating justice na ang required threshold ay dapat fixed at alam na mula sa simula, sa halip na i-adjust base sa kung sino lang ang present sa hearings.
Nagbabala siya na kung ibabase lang ang two-thirds sa 20 senators na nag-participate, bababa ito sa 13 o 14 votes na aniya ay "really a simple majority, and that is not the purpose of the internal check of a threshold."
Dagdag pa niya, "A threshold must be fixed, not variable. It must be determinable from the start. It cannot be something that will be figured out as we go along, depending on how many are present."
Sinabi rin ni Azcuna na sadyang idinisenyo ng framers ng Constitution ang supermajority rule para maiwasan ang partisan abuse at protektahan ang proseso.
Nilinaw rin ng legal expert na hindi applicable ang ruling sa historic case na Avelino v. Cuenco dahil nag-apply ito sa 1935 Constitution. Ayon sa kanya, ang naturang kaso ay tumukoy lamang sa quorum rule na "majority of the Senate" at hindi sa specific phrase na "all the Members."
Samantala, sa isyu kung valid bang makaboto ang mga senator-judge na absent sa ilang hearings, sinabi ni Azcuna na isa itong internal matter na nakadepende sa rules ng mismong Senado. Gayunpaman, pabor siyang payagan silang bumoto kung walang existing rule na nagbabawal dito dahil ang Senate ay isang tribunal of record kung saan recorded ang proceedings at karamihan sa evidence ay documentary.
Pinaalalahanan din niya ang mga senador tungkol sa kanilang oath "to render impartial judgment according to the Constitution and the laws of the Philippines," kaya nasa konsensya na ng bawat senator-judge kung kaya nilang magdesisyon nang patas base sa record ng trial.


