Hindi pwedeng gamiting basehan ang makasaysayang kaso ng Avelino v. Cuenco para ibaba ang voting threshold sa impeachment trial, ayon kay dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna sa kanyang pagharap bilang amicus curiae sa Senate impeachment court.
Paliwanag ni Azcuna, nag-ugat ang naturang ruling sa 1935 Constitution kung saan ang quorum requirement ay nakasaad lamang bilang "majority of the Senate," malayo sa specific phrase sa 1987 Constitution na "all the Members of the Senate" para sa impeachment cases.
Dahil dito, nanindigan ang dating mahistrado na nananatiling 16 na boto o two-thirds mula sa kabuuang 24 na senador ang kailangan para ma-convict ang isang opisyal dahil "all means all."
Nagbabala si Azcuna laban sa pagbaba ng denominator base lamang sa bilang ng mga senador na aktibong lumalahok sa pagdinig. Aniya, kung ibabase ang two-thirds sa 20 senador lamang na present, bababa ang requirement sa 13 o 14 votes na magiging "simple majority."
Ayon pa sa kanya, sadyang itinakda ng framers ng Constitution ang supermajority threshold bilang proteksyon laban sa partisan abuse.
Sa usapin kung may karapatang bumoto ang mga senator-judge na wala sa ilang hearings, nilinaw ni Azcuna na isa itong internal matter na dapat pagdesisyunan ng Senado.
Gayunman, nagpahayag siya ng personal na pananaw na pabor siyang payagan silang bumoto kung walang umiiral na rule laban dito, lalo't ang impeachment court ay isang tribunal of record kung saan recorded ang proceedings at karamihan sa evidence ay documentary.
Pinaalalahanan din ni Azcuna ang mga senador na sila ay may sinumpaang oath "to render impartial judgment according to the Constitution and the laws of the Philippines," kaya nasa konsensya na ng bawat miyembro kung kaya nilang magbigay ng patas at tapat na hatol base sa records ng paglilitis.


