Nilinaw ng Office of the Vice President (OVP) na hindi website ng gobyerno ang scheduling platform na nasangkot sa umano’y data leak at hindi ito naglalaman ng confidential information ng pamahalaan.
Ayon sa OVP, hindi dapat agad ituring na nakompromiso ang impormasyon ng gobyerno dahil sa naturang insidente. Nagbabala rin ang tanggapan laban sa paggamit ng mga hindi pa kumpirmadong ulat na may motibong pampulitika upang siraan si Vice President Sara Duterte at ang kaniyang opisina.
Kasunod ito ng mga ulat na nakakuha umano ang isang hacker ng tinatayang 10 gigabytes (GB) ng mga dokumento mula sa naturang plataporma, na binubuo ng 12,979 PDF files.



