Huli ang isang municipal engineer sa Pampanga matapos umanong maningil ng dagdag na bayad para sa pagproseso ng building permit at iba pang dokumento, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nahuli ang suspek na tumatanggap ng pera sa entrapment operation nitong Miyerkules, Nobyembre 4, kasunod ng reklamo ng isang residente na umano’y siningil siya ng ₱50,000 para sa dalawang Certificate of Non-Coverage (CNC), matapos na magbayad na ng ₱80,000 sa napagkasunduang package deal.
Ayon sa CIDG, ₱1,240 lamang ang standard processing fee para sa isang CNC.
Nagsampa na ng mga kasong paglabag sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, gayundin ng robbery at extortion in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012, laban sa suspek.
📷: CIDG Region 3


