Naninindigan si retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna na dapat manatiling 24 ang denominator sa pagkuwenta ng two-thirds vote para sa conviction sa impeachment trial, habang nananatiling miyembro ng Senado ang lahat ng mambabatas.
Ayon kay Azcuna, isa sa mga inimbitahang amici curiae ng impeachment court, hiwalay ang usapin ng karapatang bumoto ng isang senator-judge at ang mismong pagbibilang para sa two-thirds threshold. Paliwanag niya, ang mga sitwasyon gaya ng suspension, detention, o pansamantalang absence ay hindi awtomatikong nag-aalis sa isang senador sa kaniyang miyembro sa Senado.
“Right now, no one is dead, no one has resigned, no one has been removed, so you have 24. So 24 is the denominator,” ani Azcuna, sabay diing magbabago lamang ang bilang na ito kung may pumanaw, nagbitiw, o natanggal sa pwesto. Batay dito, ang two-thirds ng 24 na miyembro ay nananatiling katumbas ng 16 na boto.
Kaugnay nito, idinagdag din ni Azcuna na maaari ring payagang makaboto ang mga senator-judges na hindi nakadalo sa mga pagdinig. Dahil ang impeachment court ay isang tribunal of record, binigyang-diin niya na madaling masusuri ng mga absent na senador ang mga testimonya ng mga testigo sa pamamagitan ng pagbasa ng mga opisyal na transcript ng proceedings.
Nananatiling umiiral ang naunang ruling ni Presiding Officer Chiz Escudero na nagtatakda sa 16 na boto bilang kinakailangang threshold para sa conviction, maliban na lamang kung sakaling baguhin ito ng buong impeachment court.



