Nakatakdang bumisita sa Pilipinas ang Hollywood actress at international humanitarian na si Angelina Jolie bilang isa sa mga pangunahing tagapagsalita sa 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit na gaganapin ngayong darating na Nobyembre 11.
Inanunsyo ito ng host organization na Mastercard Center for Inclusive Growth nitong Biyernes, Nobyembre 6.
Makakasama ni Jolie ang mga world leader at changemakers sa Manila para talakayin ang mga bagong pananaw sa oportunidad, inclusion, at pagbuo ng mas matatag na kinabukasan para sa buong Southeast Asia.
Inaasahang magsasalita si Jolie sa isang session na pinamagatang "From memory to possibility: Cambodia, courage and the power of staying," kung saan makakasama niya bilang kapwa tagapagsalita ang kilalang Cambodian filmmaker na si Rithy Panh.
Kilala ang aktres sa kanyang mga adbokasiya para sa mga refugee, displaced populations, at karapatan ng mga kababaihan at kabataan. Naglingkod si Jolie bilang Goodwill Ambassador ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) mula 2001 hanggang 2012 bago naging Special Envoy nito hanggang 2022.
Bukod kay Jolie, nakatakda ring maging speakers sa summit ang iba pang kilalang personalidad tulad ng Broadway star na si Lea Salonga, beauty queen Kylie Verzosa, fashion designer Rajo Laurel, at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque.



