Arestado ang isang 50-anyos na pasaherong patungong Hong Kong matapos umanong magsabi na may bomba sa isang kagamitan habang ipinapaliwanag ng airline personnel ang mga bawal dalhin sa eroplano sa NAIA Terminal 1 nitong Martes, Nobyembre 10.
Agad na rumesponde ang PNP Aviation Security Group at nakipag-ugnayan sa Explosive Ordinance Disposal team. Matapos inspeksyunin ang bagahe at paligid, walang nakitang pampasabog o anumang incendiary material. Dinala ang pasahero sa NAIA Police Station 1 habang inihahanda ang reklamong paglabag sa Anti-Bomb Joke Law kaugnay ng Unjust Vexation.
Samantala, nagbabala ang AVSEGROUP na hindi dapat binabalewala ang mga pagbibiro tungkol sa bomba dahil maaari itong magdulot ng alarma at makaapekto sa operasyon ng paliparan.



