Nasabat ng National Bureau of Investigation–National Capital Region (NBI-NCR) ang mga kahon-kahong unregistered glutathione drips at injectables na tinatayang nagkakahalaga ng ₱5 milyon sa isang bahay sa Quezon City.
Ayon sa NBI, posibleng peke at mapanganib gamitin ang mga produkto dahil hindi alam ang mga sangkap ng mga ito at hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA). Ilang linggo ring nagsagawa ng surveillance ang mga awtoridad bago ikasa ang operasyon.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa FDA law ang may-ari ng mga produkto. Nagpaalala naman ang NBI sa publiko na tiyaking rehistrado sa FDA ang mga gamot at injectable na bibilhin.

