Iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang posibleng sinadyang pagtatapon ng used oil mula sa isang barko matapos kumalat ang oil spill sa baybaying bahagi ng Sitio Naswe, Barangay Ipag, Mariveles, Bataan noong Nobyembre 5.
Ayon sa paunang imbestigasyon, posibleng nagmula ang langis sa isang barko o sa wastewater mula sa paglilinis ng makina nito. Apektado ng oil spill ang humigit-kumulang 500 square meters ng karagatan.
Narekober na ng mga awtoridad ang tinatayang 70 porsiyento ng langis, kabilang ang 800 kilo ng kontaminadong debris at ginamit na absorbent materials. Patuloy ang operasyon ng PCG upang makolekta ang natitirang langis at matukoy ang barkong responsable sa insidente.
Pinayuhan naman ang mga mangingisda at residente na pansamantalang umiwas sa apektadong karagatan habang nagpapatuloy ang paglilinis at monitoring operations.



