Inilikas ang 27 taong gulang na buwayang si Nuea Thong matapos tumaas ang tubig-baha sa Wat Pho Thong sa Si Maha Phot district, Prachinburi, Thailand nitong Linggo, Setyembre 27.
Tinatayang 400 kilo ang bigat at mahigit apat na metro ang haba ng buwaya. Umabot sa 1.3 metro ang baha sa paligid ng kulungan nito, dahilan upang mangamba ang mga awtoridad na maaari itong makatakas patungo sa kalapit na Prachin Buri River.
Nagtulungan ang Department of Fisheries, rescue volunteers, at mga residente sa operasyon. Tinalian ng mga lubid ang panga at mga paa ng buwaya bago ito binuhat gamit ang truck-mounted crane at dinala sa isang pansamantalang holding facility na nasa humigit-kumulang 20 kilometro mula sa lugar.
