Dumalo at humarap sa witness stand ng Senate impeachment court si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa ika-31 araw ng paglilitis laban sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte. Pormal siyang idineklarang "hostile witness" matapos ang hiling ng prosekusyon.
Hiningi ng House private prosecutor na si Atty. Ted Te sa korte na kilalanin si Mayor Baste bilang hostile witness dahil sa relasyon nito sa akusado at sa mga naunang pampublikong pahayag nito laban sa impeachment. Sa kabila nito, tinutulan ng defense counsel na si Atty. Justin Nicol Gular ang pagtestigo ng alkalde at sinabing "irrelevant" o walang kaugnayan ang salaysay nito, dahil naipaliwanag na umano ang mga punto ni PhilGEPS Chief Rendell Sopeña sa mga nakaraang pagdinig.
Sa kanyang pagtestigo, malinaw na iginiit ni Mayor Baste ang kanyang paniniwala na ang impeachment trial laban sa kanyang kapatid ay may halong politika. Aniya, perception o pananaw niya na ang pangunahing layunin lang ng naturang paglilitis ay upang pigilan si Vice President Sara Duterte na makatakbo sa pagkapangulo sa darating na 2028 presidential elections.



