Nauwi sa kaguluhan ang kilos-protesta sa Milan, Italy matapos ang paninira ng mga ari-arian at pagnanakaw sa mga establisimyento bilang pagtutol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong weekend, Oktubre 17 at 18.
Kasunod ito ng mga kilos-protesta sa France na naganap din nitong weekend. Sa mga lugar malapit sa Via Broletto, Piazza del Duomo at Galleria Vittorio Emanuele II, naghagis umano ng mga bato at bote ang mga nakamaskarang raliyista at sinunog ang mga harang bago manloob ng mga negosyo.
Gumamit ang mga pulis ng tear gas at water cannon upang mapigilan ang mga nagkakagulo. Ayon sa mga ulat ng ANSA, mahigit 200 katao ang naaresto sa Milan sa loob ng dalawang araw, habang 25 katao ang kinailangang dalhin sa ospital, kabilang ang 10 pulis. Naitala rin ang mga kaguluhan sa Bologna at Turin.
Kinondena ni Italian Prime Minister Giorgia Meloni ang karahasan at nagpatawag ng pulong ukol dito. Sinabi naman ni Milan Mayor Giuseppe Sala na nauunawaan nila ang layunin ng protesta, ngunit hindi makatuwiran ang pag-atake sa mga pulis at pagsira sa mga ari-arian.
📹: RT News
