Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Department of Agriculture–Inspectorate and Enforcement at Bureau of Plant Industry ang imbestigasyon sa umano’y smuggling ng carrots, broccoli at iba pang highland vegetables na posibleng nakaaapekto sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka, partikular sa Cordillera.
Sa monitoring sa Baguio Hangar Market, natukoy ang tatlong puwesto na nagtitinda ng imported na broccoli, kabilang ang isang kahong may label na “Product of China.” Gayunman, hindi pa natitiyak ng mga awtoridad kung ipinuslit sa bansa ang mga naturang gulay.
Ayon kay Tiu Laurel, pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Law.
Kumuha rin ng mga sample ng broccoli ang Bureau of Plant Industry upang suriin kung may mabibigat na metal at formalin.

