Pinatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Chinese Ambassador Jing Quan ngayong Lunes, Oktubre 19, upang ipahayag ang “seryosong pagkabahala at mariing pagtutol” ng Pilipinas sa kaniyang mga kontrobersyal na pahayag tungkol sa paggamit ng puwersa laban sa Pilipinas kaugnay ng West Philippine Sea.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro, mapanulsol umano at hindi katanggap-tanggap ang pahayag ng ambassador at hindi ito nakatutulong sa pagpapalalim ng ugnayan ng dalawang bansa.
Binigyang-diin din ng ahensya na hindi nararapat para sa isang ambassador na hayagang punahin o tuyain ang mga opisyal at mambabatas ng Pilipinas na gumaganap ng kanilang tungkulin.
Nauna nang sinabi ni Quan na madaling mananalo ang China kung gagamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas kaugnay ng West Philippine Sea.
Samantala, iginiit naman ng Chinese Embassy na ang mga panawagang ideklarang persona non grata ang ambassador ay maituturing umanong banta o pamimilit.
📷: DFA-OPD

