Nasawi ang isang 56-anyos na babae habang sugatan ang dalawang iba pa matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang sinasakyan nilang Toyota Fortuner sa harap ng Land Registry Authority sa Barangay V, Bantay, Ilocos Sur.
Idineklarang dead on arrival ang babae, habang isinugod sa pagamutan ang isang 41-anyos na lalaki at isa pang nadamay sa insidente.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon at CCTV footage, dalawang indibidwal na sakay ng grey na NMAX motorcycle na walang plaka ang umano’y bumaril sa mga sakay ng Fortuner na nakaparada sa gilid ng kalsada bago tumakas patungong southbound.
Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang isang caliber .45 pistol, 14 fired cartridge cases, isang fired bullet at walong live rounds ng caliber .45 ammunition na nakuha sa sling bag ng isa sa mga biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng Ilocos Sur Police Provincial Office upang matukoy ang motibo at mga suspek sa pamamaril. | via Freddie Rulloda

