Umabot sa ikaanim na alarma ang malaking sunog sa Barangay Leon Garcia, Agdao, Davao City, nitong Huwebes, Oktubre 15, na nakaapekto sa mahigit 700 pamilya.
Ayon sa ulat, anim na purok ang nilamon ng apoy at posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga apektadong pamilya habang nagpapatuloy ang validation at profiling ng barangay at City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Mahigit 20 fire truck at mga responder mula sa iba’t ibang grupo ang nagtulong-tulong sa pag-apula ng sunog sa kabila ng masamang panahon. Nagsimula ang sunog pasado 5:00 ng hapon at idineklara itong fire out ng Bureau of Fire Protection bandang 1:20 ng madaling araw ngayong Biyernes, Oktubre 16.
Kasalukuyang nasa evacuation centers ang mga apektadong residente. Ayon sa mga opisyal ng barangay, nagsimula umano ang sunog sa bahay ng pamilyang Alonghas sa Purok Corias. Patuloy pang inaalam ang iba pang detalye ng insidente. | via Haydee Jipolan
📹: Davao City Responders, BFP, Davao Updates