Nagpataw ang Philippine Competition Commission (PCC) ng kabuuang ₱1.76 bilyong multa sa anim na negosyo at kanilang mga opisyal dahil sa sabwatan sa bentahan ng sibuyas.
Kabilang sa mga pinagmulta ang Golden Shine International Freight Forwarders Corp., Tian Long Corp., La Reina Fresh Vegetables & Young Indoor Plants Inc., Yom Trading Corp., at ang mga sole proprietor na sina Mark Castro Ocampo ng Vegefru Producing Store at Nancy Collanta Rosal ng Rosal Fruit and Vegetable Trading.
Pinanagot din ang mga opisyal na sina Lilia Cruz at Letty Baculando ng Golden Shine, Eric Pabilona ng Tian Long, at Renato Francisco Jr. ng La Reina.
Ayon sa PCC, nagsabwatan ang mga ito sa pag-aangkat, pag-iimbak at pakyawan ng pula at dilaw na sibuyas noong 2020 at 2021, at kontrolado ang halos kalahati ng mga permit sa pag-aangkat. Inimbestigahan ang mga ito matapos pumalo sa ₱800 kada kilo ang presyo ng sibuyas noong 2022.
