Hinarang ng mga awtoridad ang isang 28-anyos na lalaki sa NAIA Terminal 3 matapos matuklasang peke ang departure stamp sa kaniyang pasaporte.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), bibiyahe sana ang lalaki papuntang Malaysia bilang turista nang mapansin ng isang immigration officer ang kahina-hinalang stamp.
Sinabi ng lalaki na may nakausap siya sa Telegram na nangakong tutulong sa pagproseso ng kaniyang biyahe. Kinuha umano ng isang contact niya sa paliparan ang kaniyang pasaporte at boarding pass. Nang ibalik ang mga ito, may nakalagay nang departure stamp sa kaniyang pasaporte.
Iniimbestigahan ngayon ng BI kung may sindikato ng human trafficking na target sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.


