Napigilan ng mga awtoridad na makalabas ng bansa ang apat na Pilipinong hinihinalang biktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos makitaan ng kahina-hinalang detalye sa kanilang travel arrangements.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), unang sinabi ng mga biktima na pupunta sila sa Thailand para sa limang-araw na incentive trip na sagot umano ng isang kumpanya.
Pero kalaunan, inamin nilang hindi sila empleyado ng kumpanyang iyon at talagang patungo sila sa Myanmar.
Sinabi rin nilang inalok sila ng trabahong customer service na may buwanang sahod na $1,000 hanggang $1,500. Na-recruit umano sila sa Facebook, Telegram at iba pang online platform.
📸: BI


