Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga mobile network operator na paigtingin ang beripikasyon sa maraming bilang ng SIM cards na nakarehistro sa isang indibidwal, lalo na sa mga account na may mahigit 100 SIM sa ilalim ng iisang pangalan.
May 15 araw ang mga telco upang tiyakin kung ang mga SIM ay pagmamay-ari pa rin ng mga rehistradong subscriber at ginagamit sa lehitimong paraan. Layunin nitong mapigilan ang paggamit ng mga SIM card sa mga scam, financial fraud, at iba pang ilegal na aktibidad.
Ayon sa NTC, ide-deactivate ang mga SIM card na hindi mapatutunayang nasa kontrol pa rin ng rehistradong may-ari o ginagamit sa lehitimong paraan.
Pinayuhan din ang publiko na tiyaking nakarehistro sa sarili nilang pangalan ang SIM card na ginagamit sa banking apps, mobile payments, at iba pang online platform.


