Inatasan ng Senate impeachment court sina impeachment prosecutors Rep. Terry Ridon at Atty. Benjamin Jay Tolosa na magpaliwanag kaugnay ng umano’y paglabag nila sa sub judice rule.
Ayon sa spokesperson ng impeachment court na si Atty. Regie Tongol, nag-ugat ang show cause orders sa tatlong insidente noong Setyembre 8, 14 at 15. Mayroon silang 24 oras upang isumite ang kanilang mga paliwanag.
Kinumpirma ni Ridon na natanggap niya ang show cause order at iginiit na igagalang nila ang desisyon ng Senado. Patuloy din umano nilang gagampanan ang kanilang tungkulin bilang bahagi ng prosecution team.
Sa ilalim ng Rule 18, ipinagbabawal ang pampublikong pagtalakay ng mga abogado sa merito ng kaso, kabilang ang mga pahayag sa media interviews at social media.



