Nagsampa ng administrative complaint sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang ama ng isang 17-anyos na binatilyo laban sa isang pulis na umano'y humampas sa kaniyang anak gamit ang mahabang baril sa isang hindi markadong checkpoint sa Baliwag, Bulacan, noong Oktubre 31.
Ayon sa ama, sakay ng motorsiklo ang kaniyang anak at kasama nito nang mangyari ang insidente sa Bypass Road sa pagitan ng Baliwag at Pulilan. Tumakas ang dalawa dahil sa takot ngunit kalaunan ay naharang ng mga pulis at dinala sa himpilan, kung saan na-impound ang kanilang motorsiklo.
Una umanong inakala ng binatilyo na pasa lamang ang tinamo niyang pinsala, ngunit lumabas sa isinagawang X-ray na may bali ang kaniyang braso. Iginiit din ng ama na hindi nabigyan ng agarang atensiyong medikal ang kaniyang anak matapos ang insidente.



