Tinututulan ng mga recruitment group at overseas Filipino workers (OFWs) ang panukalang $4 o katumbas ng ₱240 hanggang ₱250 na border security fee na balak ipataw ng Bureau of Immigration (BI) sa mga international traveler.
Ayon kay Loreto Soriano ng Migration and Policy Development Center, dagdag-pasanin ito sa mga OFW na umuuwi sa Pilipinas para magbakasyon o mag-renew ng kontrata.
Kinuwestiyon din niya ang pahayag ng BI na mga dayuhang employer ang sasagot sa bayarin dahil karaniwang sinasagot lamang ng mga ito ang pamasahe sa deployment, hindi ang pabalik na biyahe ng mga manggagawa.
Giit naman ng recruitment consultant na si Emmanuel Geslani, hindi dapat dagdagan ang gastusin ng mga OFW dahil may umiiral na mga batas na nagpoprotekta sa kanila laban sa mga bayaring may kaugnayan sa recruitment at trabaho.



