Sinabi ni Thai Foreign Minister Sihasak Phuangketkeow na nagpahayag ng interes ang Myanmar na muling makilahok sa mga pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ayon kay Sihasak, nakita niya ang kagustuhan ng Myanmar na makipag-ugnayan muli sa ASEAN matapos ang kaniyang pakikipagpulong kay Pangulong Min Aung Hlaing at iba pang opisyal.
Iminungkahi rin ng Thailand na makilahok na muli ang foreign minister ng Myanmar sa mga pulong ng ASEAN sa antas ng mga foreign minister. Gayunman, wala pang napag-usapang partikular na hakbang para maisakatuparan ito.
Hindi isinama ang Myanmar sa mga high-level meeting ng ASEAN mula nang maganap ang kudeta militar noong 2021 na nagpatalsik kay Aung San Suu Kyi at nagbunsod ng nagpapatuloy na digmaang sibil.

