Sinuspinde ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang passenger ship safety certificate (PSSC) ng MV Georgia 1 matapos sumadsad ang barko sa Port of Surigao sa Surigao City nitong Huwebes ng madaling araw, Nobyembre 13.
Ang MV Georgia 1 ay may rutang San Ricardo, Southern Leyte–Surigao City, na nag-uugnay sa mga biyahero sa dalawang lalawigan.
Ayon sa MARINA, nakaranas ang barko ng biglaang bugso ng hangin at malalakas na agos ng tubig habang minamaniobra para dumaong sa pantalan. Dahil dito, napunta ito sa mababaw na bahagi ng karagatan at sumadsad.
Nagsasagawa na ng underwater inspection ang ahensya para masuri ang kondisyon ng barko. Mananatiling suspendido ang safety certificate nito hanggang matiyak na ligtas na itong maglayag muli.
Binigyang-diin ng MARINA na hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan ng mga pasahero para maipagpatuloy ang operasyon ng mga barko.
