Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na maaaring managot sa batas ang mga taong publikong nangungutya o nanghahamak sa mga persons with disabilities (PWDs).
Naglabas ng paalala si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. matapos umani ng batikos ang isang viral podcast episode kung saan umano’y pinagtawanan ng mga host ang anak ng isang personalidad sa telebisyon dahil sa kaniyang kapansanan. Inalis na ang naturang episode at humingi na rin ng paumanhin ang podcast.
Binigyang-diin ni Nartatez na protektado ng batas ang dignidad at karapatan ng mga PWD. Sa ilalim ng Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disability, na inamyendahan ng RA 9442, ipinagbabawal ang pampublikong pangungutya at paghamak sa mga PWD.
Gayunman, nilinaw ng PNP chief na nakadepende sa mga pangyayari at ebidensiyang makakalap kung may nalabag na batas sa isang partikular na pahayag o insidente.


