Naglaan ng $123.2 milyon para sa paghahanda at pagtugon sa super El Niño na inaasahang magpapatuloy hanggang sa susunod na taon, ayon sa United Nations Philippines.
Sa ngayon, 109 na lungsod at munisipalidad na ang nagdeklara ng state of calamity, habang 54 na probinsya ang posibleng makaranas ng tagtuyot at isa sa bawat tatlong barangay ang posibleng makaranas ng kakulangan sa tubig.
Posible ring maapektuhan ang mahigit dalawang milyong ektarya ng palayan at 4.6 milyong magsasaka at mangingisda.
Ayon sa Department of Agriculture, maaaring bumaba nang hindi bababa sa isang milyong metriko tonelada ang produksyon ng palay ngayong taon.
Kabilang sa mga paghahanda ng pamahalaan ang pagtitiyak sa suplay ng tubig at pagkain, paghahanda ng mga ospital sa epekto ng matinding init, at pagpapanatili ng sapat na suplay ng kuryente.



