Target ng Department of Agriculture (DA) na magkaroon ng hanggang ₱18 bilyong pondo sa 2027 national budget para sa pagbili ng mga makinarya at sasakyang magagamit sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., malaking bahagi ng pondo para sa mekanisasyon ay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), na may nakalaang ₱9 bilyon para sa makinaryang pangpalay. Nais naman ng DA na dagdagan ang alokasyon para sa mga makinaryang magagamit sa iba pang pananim.
Sinabi naman ni Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) Director Dionisio Alvindia na kailangan pa ng karagdagang ₱50 bilyon upang makumpleto ang mekanisasyon sa sektor ng palay.
Binigyang-diin ng DA na layunin ng modernisasyon na mapataas ang maaani ng mga magsasaka at hindi palitan ang kanilang hanapbuhay.



