Napa-‘yes, sir’ ‘no, sir’ ah. Sino ba ang pinaglilingkuran ng presidente?
Nitong Biyernes, November 20, sa isang press briefing sa White House, ibinida ni US President Donald Trump ang usapan nila ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nang bumisita siya sa Pilipinas.
Tinanong ni Trump ang tinawag pa niyang "Prime Minister Marcos" kung saan bumibili ng enerhiya ang Pilipinas. Nang sumagot umano si Pres. Marcos na sa Middle East, agad daw sumagot si Trump: "Not anymore, you don't. You're going to buy 100% of your energy from us."
Ang sagot umano ni Pres. Marcos ay "Yes, sir."
Tinanong din umano ni Pres. Trump si Pres. Marcos: "If China attacks you, is the Middle East going to come to your rescue?" Nang sumagot daw si Marcos ng "No, sir," sinundan ito ni Trump ng utos na huwag nang bumili sa Middle East, maging sa Brazil at iba pang bansa na dati nang pinagkukunan ng Pilipinas.
Para sa iba, ang istilo ng pagtugon ng pangulo sa pakikipag-usap ay pakikibagay at paggalang. Pero kung parehong lider ng bansa, kailangan ba talaga? Hindi ba't malinaw na masasagasaan ang interes ng bansang pinamumunuan lalo pa nga't ang pinag-uusapan nila ay ang sektor ng agrikultura at enerhiya na parehong kritikal para sa Pilipinas?
Iginiit ni Trump sa harap ng media na simula January 1, 2027, 100% na ng enerhiya at produktong agrikultural ng Pilipinas ay bibilhin na mula sa Amerika.
Sa Shenzhen, China, kung saan dumalo si Pres. Marcos sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, sinubukan ng Pangulo na ilarawan ang kasunduan kay Trump bilang hakbang tungo sa "diversification" at paghahanap ng mas abot-kayang mapagkukunan ng pagkain at langis, lalo na sa gitna ng mataas na inflation na dulot ng pagkaantala ng suplay mula nang sumiklab ang giyera sa Ukraine.
To extinguish the negative reaction, nilinaw rin ni Marcos at ng Malacañang na wala pang pinal na kasunduan para sa eksklusibong pagbili mula sa Amerika, at pinag-uusapan pa lamang ng mga opisyal ng gobyerno ang mga detalye ng panukalang trade arrangements.
Sa datos ng Office of the U.S. Trade Representative, nagtala ang Estados Unidos ng $8.5 bilyong trade deficit sa goods at $3.6 bilyong trade deficit sa services laban sa Pilipinas noong 2025 mula sa $40.9 bilyong kabuuang bilateral trade, isang agwat na nais bawiin ng administrasyong Trump sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang exports.
Dahil sa mga pahayag ni Trump, agad na umalma ang iba't ibang grupo sa Pilipinas at nagpahayag ng matinding pagkabahala sa magiging epekto nito sa bansa.
Nagbabala ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na ang pagkuha ng lahat ng langis at produktong agrikultural mula sa iisang bansa gaya ng Estados Unidos ay maaaring lalong magpahina sa halaga ng piso at magtulak pataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin para sa mga mamimili.
Nitong Oktubre, natikman ng Pilipinas ang record na P64 per dollar na palitan. At bago pa ang pagputok ng mga isiniwalat ni Trump, nagbabala na ang Swiss bank na UBS Group AG na posibleng lumagapak sa historic low na P66 ang palitan kontra dolyar sa dulo ng 2027.
Advertisement
Bukod sa panganib sa ekonomiya, hinamon din ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang administrasyong Marcos na ilabas sa publiko ang aktwal na detalye ng mga sinasabing "framework agreements," dahil karapatan ng mamamayang Pilipino na malaman kung ano talaga ang pinasok na commitment ng gobyerno.
Sa isang panayam na nalathala sa media, sinabi ng head ng political science department ng University of Santo Tomas na si Dennis Coronacion na ang ganitong kasunduan ay maaaring maglagay sa bansa sa alanganin sa pamamagitan ng pagtuon ng mga import nito sa iisang supplier lang.
Sinabi naman ng ekonomistang si Roehlano Briones ng Philippine Institute for Development Studies na hindi praktikal na ipatupad ang pahayag ni Trump pagsapit ng Enero 1, 2027, dahil naayos na ang pagbili ng pagkain at langis mula sa iba pang mga supplier.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang ganitong mga kasunduan sa kalakalan ay lalong maglulubog sa mga lokal na magsasaka sa hindi patas na kompetisyon laban sa mga dambuhalang US agribusiness.
Ayon sa KMP, ang pagbaha ng mga imported na produkto mula sa Amerika ay magpapababa sa farm-gate prices at lalong magpapahina sa lokal na produksyon ng pagkain sa bansa. Iginiit ng grupo na ang kailangan ng Pilipinas ay ang pagpapalakas ng sariling produksyon sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa, sapat na subsidiya sa produksyon, libreng irigasyon, mga pasilidad pagkatapos ng ani, at makatarungang presyo ng mga pananim, sa halip na gawing tambakan ng mga produkto ng dayuhang negosyo ang lokal na pamilihan.
Nananatiling palaisipan ang tunay na nilalaman ng mga negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Habang iginigiit ng administrasyong Marcos na pagpapalawak lang ng mga mapagkukunan at paghahanap ng mas murang suplay ang habol ng bansa, malinaw sa mga babala ng mga negosyante, mambabatas, at magsasaka na may malaking panganib ang pagdepende sa iisang dayuhang merkado. Kung ang pagtatali ng ekonomiya sa monopolyo ng ibang bansa ang kapalit ng pangakong seguridad, ang mamamayang Pilipino ang maiipit sa gitna.
Samakatuwid, nagkakaisa ang iba't ibang sektor sa pagsasabing ang exclusive deal ng U.S. sa agri at energy products ay hindi lang magpapahina sa piso at magpapataas ng presyo ng bilihin, kundi maglalagay rin sa alanganin sa produksyon ng pagkain dito sa bansa, lalo na kung mananatiling sikreto sa publiko ang totoong nilalaman ng mga kasunduan.
Samantala, mainit pa rin ang usapin sa Pax Silica. Lumabas sa mga balita nitong Lunes, November 23, na gusto pala ng Amerika na lutasin muna ng gobyerno ang mga isyu sa Pax Silica bago lumagda sa isang kasunduan. Iyan ay ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian sa pakikipag-usap umano kay US Secretary of State Marco Rubio.
Sabi naman ni Sen. Gatchalian: “It is just right that we first resolve these issues concerning Pax Silica and Luzon Economic Corridor so that before we move forward, we can provide solutions to the problems.”
Aba'y parang napakamasunurin pala ng gobyerno natin sa Amerika.
Kung nabubuhay pa ang mga bayani, hindi ba sila mapapakamot-ulo niyan?



Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.