Uso na talaga ngayon ang paggawa ng content. May vlog habang kumakain, may video habang naglalakad, may livestream habang nasa biyahe. Ang tanong, kailangan na rin bang gawing content ang pagmamaneho? Hindi ba puwedeng magmaneho muna at mag-cellphone kapag nakarating na sa paroroonan?
Kamakailan, ilang celebrity ang naging sentro ng usapan matapos masangkot sa mga insidente ng paggamit ng cellphone habang nagmamaneho. Kabilang dito ang BINI member na si Mikha Lim at aktres na si Cai Cortez na parehong naharap sa aksiyon ng Land Transportation Office (LTO).
Sa kaso ni Mikha, naging usap-usapan ang kumalat na livestream kung saan makikitang gumagamit siya ng cellphone habang nagmamaneho. Nang mahulog pa ang telepono, yumuko siya upang pulutin ito. Naku! Hindi ba puwedeng hayaan munang nakahandusay ang cellphone kaysa naman buhay ang malagay sa alanganin?
Samantala, si Cai Cortez naman ay napag-usapan matapos kumalat ang video kung saan makikitang gumagamit ng cellphone at sumasayaw habang nagmamaneho, habang hindi rin nakasuot ng seatbelt.
Pareho silang humarap sa proseso ng LTO at pinatawan ng 90-araw na preventive suspension ang kanilang mga lisensiya habang iniimbestigahan ang mga insidente.
Aba, hindi biro ang mga ganitong pangyayari. Hindi naman kasi parang eksena sa teleserye ang kalsada na kapag nagkamali ay puwedeng ulitin ang take. Walang director na sisigaw ng cut, walang retake at lalong walang garantiyang magiging maayos ang lahat pagkatapos ng aksidente.
Ang mas nakakatuwa, o mas tamang sabihing nakababahala, ay tila may mga pagkakataong mas mahalaga pang makakuha ng magandang video kaysa tiyaking ligtas ang biyahe.
Hello! Hindi naman mawawala ang cellphone kapag hindi mo ito ginamit sa loob ng ilang minuto. Hindi rin mababawasan ang followers mo kung hindi ka mag-live habang nagmamaneho. At hindi ka naman kukupas bilang celebrity kung hindi ka makapag-post ng bagong content sa gitna ng trapiko.
Advertisement
May batas tayong Republic Act No. 10913 o Anti-Distracted Driving Act na nagbabawal sa paggamit ng mobile devices sa paraang nakaaagaw ng atensiyon habang nagmamaneho. Hindi ito ginawa para lang manghuli ng motorista o mangolekta ng multa. Nariyan ito dahil may mga buhay na kailangang protektahan.
At dahil mga personalidad ang nasasangkot, mas malaki rin ang responsibilidad nilang maging maingat. Maraming kabataan ang sumusubaybay sa kanilang mga ginagawa. Kung ang nakikita ng mga tagahanga ay ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, anong klaseng halimbawa naman ang naipapakita nito?
Hindi naman masamang gumawa ng content. Hindi rin masamang maging aktibo sa social media. Pero sana, huwag namang gawing extension ng cellphone ang manibela!
Kung may kailangang sagutin, tumabi muna. Kung may kailangang kunan ng video, mag-park muna. Kung may kailangang i-post, hintayin munang makarating sa destinasyon. Simple lang naman, hindi ba?
At sa mga celebrity na nagkamali, magandang simula ang paghingi ng paumanhin. Pero mas magandang makita ng publiko na natuto sila sa nangyari. Dahil ang tunay na apology ay hindi lang nasa caption o statement kundi nasa pagbabago ng kilos.
Sa totoo lang, hindi naman lahat ng bagay ay kailangang i-share in real time. May mga pagkakataong mas magandang walang video, walang livestream at walang update. Lalo na kung buhay ang nakataya.
Kaya sa susunod na bumiyahe, tandaan: ang cellphone ay puwedeng iwanang nakapatong, ang notification ay puwedeng balewalain at ang post ay puwedeng ipagpaliban.
Dahil ang buhay, hindi puwedeng i-delete kapag nagkamali ka ng pindot.
At tandaan, mga ka-Eksena: Mas okay nang late ang upload kaysa late ang pagdating sa ospital. Mas masakit ang mawalan ng buhay kaysa mawalan ng signal!
Drive first, post later. Hindi lahat ng pagkakataon kailangang maging viral. Minsan, mas magandang maging responsable na lang.



Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.