At ako mismo, naranasan ko ’yan!
Kahit sa mga bansang kalapit lang natin sa Asia, pagbaba mo pa lang sa airport, mapapansin mo na agad ang napakalaking pagkakaiba kung paano namumuhay ang mga tao sa mga bansang ito na siguradong magpapabago sa pananaw mo kung ano ang tunay na kahulugan ng serbisyo publiko ng isang gobyerno.
Kaya nang marinig ko ang babala ni Defense Secretary Gibo Teodoro na: “Yes, go to China. Enjoy the beautiful culture but do not, do not be brainwashed,” bagama’t alam kong “government propaganda” ang tinutukoy niya, bigla kong naalala ang mga bansang aking personal na nakita.
Sa South Korea, Taiwan, Macau, Hong Kong, at maging sa London, England, napansin ko ang malaking pagkakaiba ng kanilang public transportation kumpara dito sa Pilipinas.
May eksaktong iskedyul ang dating ng bus at tren, at sa karanasan ko, maaasahan mong makakasakay ka sa itinakdang oras.
Hindi tulad dito sa Pilipinas na kailangan mong makipag-balyahan at makipag-agawan sa paparating na bus o jeep para lamang makasakay. Ang masama pa ay hindi maaasahan ang ilang waiting shed, kaya siguradong mababasa ka kapag malakas ang ulan.
Magkakaugnay rin ang maraming ruta ng mga tren kaya sa mga pangunahing interchange station, hindi mo kailangang lumabas sa kalsada para lang lumipat sa ibang tren.
Sistematiko rin ang pagbabayad. May mga transport card na magagamit sa iba’t ibang uri ng transportasyon. Hindi tulad sa Pilipinas na kailangan mong pumila para magbayad sa tuwing lilipat ka ng ruta. Ngayon ay puwede na rin ang cashless payments pero hindi naman palagiang gumagana.
Sa madaling salita, sa mga bansang ito ay komportableng bumiyahe kahit wala kang sariling kotse. Sa Pilipinas, para sa maraming commuters, parusa ang mag-commute araw-araw.
Ang isa pang kapansin-pansin ay ang mga malalapad at maayos na sidewalk at pedestrian facilities.
Nakakalakad kang malaya sa bangketa nang hindi kailangang bumaba sa kalsada para iwasan ang mga nakaparadang sasakyan.
Sa mga pedestrian crossing, humihinto ang mga sasakyan para padaanin ang mga tao, hindi tulad dito sa ating bansa na kailangan mong makipagpatintero.
Partida, sa maraming lugar na napuntahan ko, wala pang mga pulis o traffic enforcer na nakabantay sa kanila.
Sa mga mall at commercial establishments ay may mga lugar na walang nakatayong security guard sa bawat pintuan na may dalang stick na kahoy para tusukin ang loob ng bag mo.
Well-maintained at malinis ang mga public restroom na nagamit ko, hindi tulad sa atin na kailangan mo munang maghanap ng maganda-gandang restaurant para makagamit ng mabango at komportableng palikuran.
Sistematiko rin ang garbage collection. May nakatakdang oras ng koleksiyon para sa iba’t ibang uri ng basura, kabilang ang recyclables at non-recyclables.
Advertisement
Dito pa lang sa mga nabanggit nating basic services na dapat ay mahusay na ibinibigay ng gobyerno ay talagang mapapaisip ka na nang malalim na magpapabago sa iyong pananaw ukol sa kahulugan ng good governance.
𝗠𝗮𝗯𝗶-”𝗯𝗿𝗮𝗶𝗻𝘄𝗮𝘀𝗵” 𝗸𝗮 𝘁𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮!
At habang nakikita mo ang lahat ng ito, may isang tanong na paulit-ulit na pumapasok sa isip mo.
𝗕𝗮𝗸𝗶𝘁 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗻𝗮𝘁𝗶𝗻 𝗺𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗶𝘁𝗼 𝘀𝗮 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝘀?
At sa pag-uwi mo pabalik dito sa ating bansa, doon mo na mas mararamdaman ang malaking pagkakaiba.
Mula sa maayos na public transportation, babalik ka sa pakikipag-balyahan sa kalye para makasakay.
Mula sa mga sidewalk na talagang para sa tao, babalik ka sa mga bangketang ginawang parking lot.
Mula sa mga pedestrian crossing kung saan pinapadaan ang tumatawid, babalik ka sa mga kalsadang ikaw pa ang kailangang umiwas sa mga sasakyan.
At mula sa maayos na waste collection, makikita mo na naman ang mga basurang nakatambak sa mga kalsada at kanal.
At muli kang mapapaisip.
Hindi pala normal ang marami sa mga problemang matagal na nating pinagtitiisan.
Hindi pala normal na gumugol ng ilang oras sa traffic para lang makarating sa trabaho.
Hindi pala luho ang malinis na pampublikong palikuran.
Hindi pala dapat maging peligroso ang simpleng pagtawid sa kalsada.
At hindi pala kailangang magkaroon ng sariling sasakyan para lang makabiyahe nang maayos at komportable.
At ang mas nakakalungkot?
𝗛𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗻𝗮𝗺𝗮𝗻 𝗸𝗮𝗽𝗼𝘀 𝘀𝗮 𝗽𝗼𝗻𝗱𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗴𝗼𝗯𝘆𝗲𝗿𝗻𝗼.
Isipin mo.
Kung ang trilyon-trilyong pondo ay ginamit nang tama, ilang maayos na sidewalk kaya ang naipagawa?
Ilang bus at tren kaya ang nadagdag?
Ilang pampublikong palikuran ang napaganda?
Ilang komunidad kaya ang hindi na binabaha?
At ilang milyong oras ng buhay ng mga Pilipino ang hindi na nasasayang sa traffic at paghihintay ng masasakyan araw-araw?
Kaya marahil tama si Gibo, paano kaya kung mas maraming Pilipino ang makapunta sa China?
Makita nila ang malalawak na railway network, modernong tren, mga bagong lungsod, at malalaking imprastraktura.
Makita nila kung gaano na kalaki ang ipinagbago ng bansang iyon sa loob lamang ng ilang dekada.
At pagkatapos, umuwi sila sa Pilipinas.
Bumalik sa traffic. Sa mga sirang kalsada. Sa mga proyektong paulit-ulit na kinukumpuni.
Sa mga pampublikong serbisyong kailangan pang pagtiisan.



Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.