Ngayong Agosto 2026, hinagupit ng malalakas na pag-ulan at malawakang pagbaha ang malaking bahagi ng Luzon. May mga lugar na ngayon lang binaha at may mga lugar na mas mataas kaysa dati ang inabot ng tubig.
Nasira ang ilang mga dike at tulay. Marami ang nangailangan ng rescue. Pero ang nakapagpapantig ng tenga ay ang tahasang mensahe na hindi raw puwedeng iasa na lang sa gobyerno ang kaligtasan ng mamamayan at magkani-kaniya na sa pagpaplano.
Out of touch ang marami sa mga nanunungkulan ngayon. Sa panahon ng kalamidad, imbes na magbigay ng mensahe ng pag-asa, palakasin ang loob ng taumbayan at lumabas para magserbisyo, sariling interes pa rin ang inuuna.
Mayroon diyan pakanta-kanta lang sa party, mayroong nagpakita sa publiko suot ang milyones na halaga ng branded na mga damit, mayroong away-pulitika pa rin ang nasa isip, at mayroon ding hindi nagpakita at all.
Higit sa lahat, MALAYA AT HINDI PA RIN NAKAKULONG ANG MGA KAWATAN SA FLOOD CONTROL SCANDAL.
Aaraw, matutuyo ang lupa, maglilinis ang tao at babalik sa dati. Ngunit paano kung wala nang 'dati' na babalikan? Tulad ng mga bahay na ilang taong pinag-ipunan pero sa ilang segundo lang ay tinangay ng rumaragasang baha; mga mahal sa buhay na hindi na-rescue; at mga ari-arian at sasakyang inanod ng tubig-baha.
Sa Tarlac City, isang malaking hamon ngayon sa transportasyon, edukasyon, komersyo at kabuhayan ang pagkasira ng Aquino at Agana bridge. Ang dating ilang segundong pagtawid ng mga galing sa Pangasinan, hilaga at kanluran ng Tarlac, napalitan ng ilang oras na pag-ikot sa iba't ibang mga bayan: makapasok lang sa trabaho, mabalikan lang ang kabuhayan, makasama lang ang mga mahal sa buhay.
Totoo na hindi ginusto ng sinuman na mangyari ito, pero ang gusto ng mga Tarlaqueño ngayon ay magkaisa ang mga nanunungkulan. Isantabi ang kulay sa pulitika at gawin ang lahat para makabangong muli ang lungsod.
Advertisement
Sa Bulacan, saan nga ba napunta ang P41 billion? Sana ay may magsabi na para maging aware naman ang gobyerno. At sana ay dumating ang araw na hindi na kailangang manawagan ng mga residente ng "tubig! tubig! tubig!" nang hindi mapagalitan ng mga nanunungkulan.
Sa Pampanga, ibayong pag-iingat ang kailangan. Dahil sa dami ng mga Kapampangan, "magplano na [raw] kayo sa kaniya-kaniya n'yong pamilya" kasi "hindi n'yo puwedeng iasa sa gobyerno ang lahat."
Sa Rizal, may mga lugar na first time binaha. Samantalang sa Metro Manila, ano pa nga ba ang bago?
Binobola tayo gamit ang mga salitang 'resilience' at 'baha ka lang, Pilipino kami.'
Ginagawa pang katatawanan ng ilang mga content creator ang baha, pero sana ay makapag-udyok din sila ng pagbabago at aksyon mula sa gobyerno.
Panghuli sa edisyong ito ng Anyare, ang tinatawag na 'donor fatigue' ng mga nasa platform na X. Tila napagod na raw ang mga nagsusulong ng donasyon at tulong para sa mga nasalanta, dahil paulit-ulit na lang na tayo-tayong mga Pilipino ang nagtutulungan. Kaniya-kaniya na ika nga.
Pero mayroong isang organisasyon na hindi napagod at hindi tumigil sa pagtulong; at hindi ito ibinabalita ng mainstream media.
Ang Iglesia Ni Cristo, na lumabas para manawagan ng accountability sa flood control scandal, ay hindi humahangga sa salita. Mula noon hanggang ngayon, mabilis at malawakan ang pagbibigay nito ng relief efforts sa pamamagitan ng Lingap sa Mamamayan, agaran ang rescue efforts ng SCAN International, at maging ang inyong NET25 ay nananatiling dedikado sa pagbibigay ng napapanahong news updates na kailangan ng mga Pilipino.
Hindi ang mga tumutulong ang dapat batikusin, kundi ang mga nanunungkulan na pawang mga salarin.



Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.