Ilang araw bago ang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inanunsyo ng administrasyon ang pagbibigay ng ₱2,000 financial assistance kada buwan para sa 7.5 milyong pamilyang Pilipino. Tiyak na pagdating ng SONA, tataas ang morale ng publiko at mapapagaan ang kritisismo sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng kasalukuyang administrasyon.
Siya nga ba?
Hindi masamang mamigay ng ayuda, pero kung bilang "band-aid solution" sa malalim na sugat ng kahirapan, parang insulto sa ilan. Ang ayuda ay hindi solusyon; para sa iba, ito ay patunay na bigo ang gobyerno na lumikha ng mga oportunidad at magpatatag ng ekonomiya.
Bago humanga sa mabulaklak na salita at pinagtagpi-tagping numero, paalala lang na ang utang ng Pilipinas ay ₱18.55 trilyon na. Patuloy ang pagtaas ng utang ng bansa na pilit binabayaran ng mga ordinaryong mamamayan sa pamamagitan ng patong-patong na buwis.
At hindi lang utang ang pasan-pasan; ang presyo ng kuryente sa Pilipinas ay pahirap lalo sa mga negosyo at pamilyang naghihikahos. Sabi ng isang kongresista, mas mabilis pang itaas ang singil sa kuryente kaysa itaas ang sahod ng manggagawang Pilipino. Ni hindi pa naipapasa ang zero income tax para sa mga middle-income earner.
Habang ang mga ganitong isyung pang-ekonomiya ay nananatiling unsolved, ang atensyon ng bansa ay madalas na nadidiskaril ng political drama. Imbes na pagtuunan ng pansin ang mabilis na pag-angat sa kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino, tila mas mabilis pa ang pagpapaimbestiga sa mga kilalang pumupuna sa mga diumano'y katiwalian sa ilang ahensya ng gobyerno.
Malapit na ang SONA, kaya tila biglang bumibilis ang takbo ng hustisya at lumuluwag ang pitaka ng gobyerno. Ang mga pag-aresto sa mga nakaraan ay posibleng maging highlight reel sa taunang ulat.
Sa aspeto ng seguridad, sinabi ng DILG na bumaba ang bilang ng focus crimes.
Totoo bang mas ligtas na tayo ngayon? Sa datos ng DILG, oo. Pero sa mata ng mga Pilipino, ano ang realidad ng paglalakad sa mga lansangan?
Advertisement
Sa linggong ito lamang, tatlong nakagigimbal na insidente ng karahasan ang ikinabahala ng publiko: ang motorcycle taxi rider sa Caloocan na pinatay sa saksak ng pasaherong holdaper pala; ang babaeng magsusundo lamang ng pamangkin sa Angeles, Pampanga na dinukot at ninakawan; at ang tanod sa Pasig City na namatay sa pamamaril matapos umawat sa gulo ng dalawang grupo.
Ang mga saksakan, pamamaril, at pagdadala ng armas sa paaralan ay nagdulot din ng takot. Dahil dito, isinusulong ng ilang mambabatas ang Safety Schools Bill.
Ang mga kabataan, sa pamamagitan ng mga grupong gaya ng Kabataan Party-list, ay nagbigay na rin ng "failing grade" sa administrasyon. Mula sa kakulangan sa serbisyong pangkalusugan—kung saan patuloy ang panawagan para sa mas mataas na buwis sa mga bisyo upang pondohan ang nutrisyon—hanggang sa sistemang pang-edukasyon na hindi nakasasabay sa pangangailangan ng panahon, kitang-kita ang kanilang pagkadismaya.
Samantala, ang mga grupo sa Mindanao ay patuloy na nananawagan ng hustisya para sa mga umano'y biktima ng militarisasyon at environmental destruction.
At nasa punto na tayo kung saan ang Chinese media ay inilalarawan ang Pilipinas bilang mga unggoy.
Sa bawat SONA, sanay na tayong makarinig ng magagandang numero. Ngunit mahirap paniwalaan ang mga ito kung hindi naman nararamdaman sa araw-araw na pamumuhay.
Tanong sa mga kababayang nasa laylayan: nabibigyan ba kayo ng mga oportunidad gaya ng trabaho, o puro ayuda lamang?
Tanong sa mga middle-income earner: hindi ba kayo umaaray sa ikinakaltas na income tax sa inyong sahod? Lulusot pa kaya ang zero income tax para sa mga kumikita ng ₱50,000 pababa?
Tanong sa mga malalaking negosyante: natugunan na ba ang inyong panawagan noong 2025 na papanagutin ang lahat ng mga pulitikong sangkot umano sa flood control projects?
Kailangan ng malinaw at pangmatagalang solusyon sa inflation, sa mataas na singil sa kuryente, at sa katarungan para sa mga biktima ng karahasan. Ilan pa lamang ito sa mga problemang kinakaharap ng bayan.
Ang totoong state of the nation ay hindi kasya sa speech ng Pangulo. Nasa lansangan ito, nasa eskwela, nasa payslip, at nasa bahay ng bawat pamilyang Pilipino.



