Sa linggong ito, sunod-sunod na inabot ng kalamidad ang halos bawat sulok ng Pilipinas: super typhoon sa hilagang-silangan, lindol sa kanluran, pagputok ng bulkan sa gitna, at mga pagbaha sa timog-kanluran.
May mga Pilipinong nakalubog ang mga paa sa putik, nanginginig sa takot, at naghahanap ng masisilungan.
But it’s the same cycle: ayuda, relief goods, evacuation, “resilience.”
Sa mga ganitong panahon, madalas nating marinig ang katagang “Filipino resilience.”
Gasgas at toxic na nga ba ang naratibong ito?
Pinupuri ang mahihirap sa pagiging matatag, sa pagngiti sa gitna ng baha, at sa muling pagbangon mula sa wala. Pero ang totoo, ang plastik na papuring ito ay madalas ginagamit na pampalubag-loob sa kakulangan ng pangmatagalang solusyon at kahandaan ng pamahalaan. Ang katatagan ay hindi dapat nagiging dahilan para gawing normal ang pagdurusa.
Ang "toxic resilience" ay nagiging lisensya na lang para magtiis ang mga mamamayan at tanggapin ang paulit-ulit na kapabayaan, ayon iyan sa Philippine Institute for Development Studies.
Napaka-reactive ng tugon ng mga awtoridad kung saan ang tulong ay dumarating kapag nawasak na ang mga komunidad.
Ang tunay na katatagan ay dapat iugnay sa accountability, ayon sa Humanist Alliance Philippines International. Ang tunay na resiliency ay dapat may pananagutan mula sa mga opisyal at may kongkretong aksyon sa klima, sa halip na i-romanticize ang pagdurusa ng mga Pilipino.
Nariyan ang banta ng epekto ng Super El Niño sa agrikultura, ang epekto ng tensyon sa Middle East sa mga presyo ng produktong petrolyo at mga bilihin, at ang utang ng bansa na pumalo na sa mahigit P18 trilyon.
At ngayong linggo, nanalasa ang Super Typhoon Inday sa ilang mga probinsya, nag-viral ang mga video ng pagyanig ng lindol sa Baguio, pumutok ang Bulkang Kanlaon at binaha ang ilang mga lalawigan sa Mindanao.
Advertisement
Sa Metro Manila, ilang oras na ulan lang, basa na ang uniporme ng mga estudyante at empleyadong papasok sa mga paaralan at opisina. May mga kotseng nalulubog sa baha at mga bahay na pinapasok ng pagragasa ng tubig. Sa mga kalsada, ma-traffic na nga, lalo pang mata-traffic.
Ang nakalulungkot, nasanay na ang marami sa atin.
Magrereklamo sa social media, tapos babalik na rin sa dati.
Dapat maipadama ng mga nasa kapangyarihan na inaaksyunan at prayoridad nila ang tunay na pangangailangan ng bayan.
Tanong ko sa inyo, ano ba ang prayoridad ng gobyerno?
Ayon sa pinakahuling tala ng WorldRiskIndex, ang Pilipinas pa rin ang nangunguna sa buong mundo bilang pinakadisaster-prone na bansa.
Sa 193 bansa, tayo ang may pinakamataas na risk score na 46.56 dahil sa matinding exposure sa mga kalamidad at bagsak na kapasidad ng ating mga sistema na sumabay sa bawat krisis.
Ayon naman sa mga ulat ng Harvard Humanitarian Initiative, bagama't mataas ang antas ng coping mechanism ng mga Pilipino, ang talamak na kakulangan sa totoong kahandaan ang nagbabaon sa atin sa parehong cycle taon-taon.
Ang bansa ay pinapasok ng average na 20 bagyo taon-taon at halos 20 lindol araw-araw dahil sa ating lokasyon sa Pacific Ring of Fire.
Ang pinsala sa ekonomiya ng mga nagdaang kalamidad ay umaabot sa bilyun-bilyong piso, gaya noong mga nagdaang taon kung saan ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura ay lumagpas sa ₱43 bilyon.
Ang trauma ng Pilipinong naiwang mag-isa sa gitna ng bagyo, sa bubong ng bahay o sa gilid ng kalsada, ay hindi basta-basta maghihilom.
Ang kailangan ng Pilipino ay hindi na naman isang tapik sa balikat at papuri sa pagiging matatag. Ang kailangan natin ay isang pamahalaang mas matatag pa sa kahit anong bagyo.



