Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), umani ng samu’t saring reaksyon ang pag-aanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang ambisyosong plano:
Yes, we are going to launch a rocket into space.
Kung dati ay puro nahulog na rocket debris ang nababalita sa ilan nating mga probinsya, sa taong 2027, posibleng magbago na ito dahil nakatakdang ilunsad sa Cagayan ang unang sounding rocket ng Pilipinas.
Pero hindi ito ang dambuhalang rocket na nakikita natin sa mga pelikula na nagpapadala ng mga astronaut sa buwan. Ang sounding rocket ay isang maliit na research vehicle. Ayon sa National Aeronautics and Space Administration (NASA), lumilipad lamang ito sa gilid ng space sa loob ng lima hanggang 20 minuto para mag-aral ng atmospheric conditions bago bumalik sa lupa.
Ang proyektong ito ay bunga ng public-private partnership sa pagitan ng Philippine Space Agency (PhilSA), Department of Information and Communications Technology (DICT), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), Ascend International Gateway, at Perigee Aerospace—isang kumpanya mula sa South Korea. Ang kasunduang ito ay hango sa Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan nitong Marso 2026 sa pagitan ng Pilipinas at Korea.
Magpapalipad ng dalawang kilong payload sa itaas na hindi bababa sa limang kilometrong altitude gamit ang liquid-fueled rocket. Ayon kay PhilSA Director General Gay Jane Perez, strategic ang Pilipinas dahil sa Pacific Ocean sa silangan at lapit nito sa ekwador, na perpekto para sa ligtas na paglulunsad at pagbawi ng mga rocket. Gagamitin din ito upang sanayin ang mga Pilipinong engineer at buhayin ang rocketry research sa ating mga unibersidad.
Rocket sa Cagayan?
Ayon kay Pangulong Marcos, ang probinsya ay "geographically and economically primed" para maging kauna-unahang spaceport ng bansa.
Pero sa likod ng mga makabagong terminong tulad ng "global space economy" at "ICT infrastructure," hindi maikakaila na ang Cagayan ay isang geopolitically sensitive na lugar.
Ang mga bayan ng Santa Ana at Lal-lo sa Cagayan na nakaharap sa Taiwan sa tapat ng Luzon Strait ay mga site sa ilalim ng Enhanced Defence Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Estados Unidos. Ang mga lugar na ito ay ginagamit para sa joint military exercises at pag-iimbak ng mga kagamitang pang-depensa ng Amerika. Dahil dito, ang Cagayan ay naging mainit na point of conversation sa matinding bangayan at kompetisyon sa pagitan ng US at China sa rehiyon.
Kamakailan, sa pag-aaral ng University of the Philippines (UP) na pinamagatang “Localization of the United States–China Rivalry: Cases from the Philippines,” ipinakita kung paano naiipit ang mga lokal na pamahalaan tulad ng Cagayan sa away ng dalawang superpower.
Advertisement
Dito pumapasok ang hamon ng bagong proyektong ito.
Sa isang banda, ang sovereign launch capability ay magandang balita para sa ating digital infrastructure. Sabi nga ni DICT Secretary Henry R. Aguda, makatutulong ito para makapagtayo tayo ng sarili nating mga communication at Earth observation satellite nang hindi umaasa sa iba.
Ang posibleng pagbabago ng imahe ng Cagayan mula sa pagiging "EDCA military site" patungo sa isang "spaceport" ay isang magandang naratibo. Ipinapakita nito na ang hilagang bahagi ng Pilipinas ay hindi lang lugar ng digmaan o geopolitika, kundi launching pad din ng science at modernization.
Pax Silica sa Tarlac
Bago binanggit ang rocket sa Cagayan, buong pagmamalaking inilatag ng pangulo ang kontrobersyal na Pax Silica initiative.
The Pax Silica Industrial Hub will create an ecosystem that will have AI at its core. It will bring quality jobs to our people, accelerate our industrial competitiveness, and revitalize our economy. The hub will be an advanced manufacturing and logistics center in the global AI and technology value chain,” aniya.
Ang Pax Silica ay kasalukuyang pinupuna at tinututulan ng iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng Makati Business Club, Computer Professionals Union (CPU), Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), at League of Filipino Students, sa iba’t ibang kadahilanan, lalo na ang posibleng matinding pagkonsumo ng kuryente at tubig para sa mga AI data centers.
Kinailangan pang tiyakin ni Energy Secretary Sharon Garin na hindi maaapektuhan ng Pax Silica ang domestic supply ng kuryente sa bansa.
Ang industrial hub sa Tarlac at ang spaceport sa Cagayan ay magagandang plano kung tutuusin.
Pero ang pangamba ng taumbayan ay hindi dapat hawiin at sabihing bunga lang ng kakulangan sa impormasyon, dahil mismong ang pagbibigay ng gobyerno ng sapat na impormasyon ay ipinapanawagan pa rin.
May laman ang pagpuna ng mga kritiko; hindi bulag ang mga Pilipino sa mga tunay na nangyayari sa mga komunidad, at alam nila kung ano ang mga kailangan pang mapunan ng pamahalaan.
Ang tanong ngayon: sino at taga-saan ba ang mabibigyan ng trabaho sa mga proyektong ito? Wala nga ba itong magiging epekto sa supply ng kuryente, tubig, at iba pang serbisyo sa mga mamamayan? Hindi ba ito magreresulta sa mas mainit na tensyon sa pagitan ng mga bansang may interes sa posisyon ng Pilipinas?
Sana, ang pag-usbong ng ganitong mga scientific at technological programs ay hindi magsilbing mitsa ng panibagong tensyon at pagkalugmok sa kahirapan, kundi tunay na si...



