Positibo ang pagtanggap ng publiko sa anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kaniyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ang ukol sa pag-aalis ng sinisingil na systems loss charges sa electricity bill ng mga power consumers.
Ang systems loss, ayon sa Meralco, ay ang kuryenteng nawawala dahil sa technical at non-technical factors. Nakapaloob sa technical ang natural energy na nawawala mula sa init at resistance dahil sa matatanda ng wiring, transformers at equipments, habang ang non-technical losses naman ay mga ninakaw na kuryente dahil sa mga illegal na koneksyon, meter errors, o pagkakamali sa billing.
Sinabi ng Department of Energy (DOE) na karaniwang natutukoy ang non-technical losses dahil sa pilferages na mas kilala na mga consumers na gumagamit ng jumper.
Sa bawat electricity bill na dumarating sa mga consumers, aabot sa 5% o higit pa ng monthly bils ang nakapaloob sa systems loss charges, depende sa ipapataw na systems loss rate ng utility sa kanilang lugar.
Batay sa Q1 2026 bill breakdown, nasa 5.72% ang systems loss rate ng Meralco. Pero katuwiran ng power utility hindi raw sila kumikita sa item na ito.
Katuwiran ng Meralco, ang kinakaltas na systems loss ay ipinambabayad sa halaga ng kuryenteng binili mula sa generation companies, at bukod na transmission charges para sa kuryenteng nawala bago makarating sa consumers.
Inire-remit naman ng Meralco ang koleksyon nito sa suppliers ng kuryente at sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Advertisement
Paliwanag ng DOE, sakop lamang ng kautusan ng Pangulo ang pag-aalis ng kabuuang system loss charges sa consumer bills, at ang kaakibat na buwis o VAT na ipinapataw ukol sa systems loss. Pero ang VAT sa kabuuan ng electricity bill ay hindi sakop ng kautusan.
Ano ang magiging implikasyon ng pagtatapyas sa systems loss charges? Sa sandaling mawala na ang systems loss charges, bababa ng mula 5 hanggang 10% ang bayarin sa kuryente ng consumers.
Malilipat din ang financial burdens sa mga utility compaanies, at kailangang maamyendahan ang Electric Power Reform Act o EPIRA.
Bukod sa papasanin na ng mga utility companies ang bigat ng nawalang kita, haharapin din ng mga kumpanya ang hamon para mag-upgrade ng kanilang pasilidad gaya ng pagpapalit sa mga lumang kable, pag-aayos sa mga faulty meters, at agresibong crackdown sa mga nagnanakaw ng kuryente.
Pero maganda man sa pandinig ang pangako, kailan naman kaya mararamdaman ito ng mga consumers? Babala ng mga industry players, dapat daw maging maingat at huwag magpadalus-dalos sa pag-amyenda ng EPIRA.
Sa ngayon ay may mga mambabatas ng kumikilos para sa pag-amyenda ng EPIRA, pero hanggang kailan naman kaya makikita ang resulta nito? Di kaya matulad lang din ito sa iba pang magagandang panukala na nabinbin dahil sa ingay ng pulitika? Hindi na rin bago ang pagsusulong na maamyendahan ang EPIRA
Ilang panahon na lang at magiging abala na ang mga pulitiko sa 2028 elections, pero kung magiging abala na sila sa eleksyon, mapagtutuunan pa kaya nila ng pansin ang mahalagang isyung ito.



