To ban or not to ban!
Malaking kuwestyon at sentro ngayon ng debate ang mga panukalang pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga kabataang may edad disi-sais pababa.
Sa harap yan ng ilang mga krimen, lalo na sa eskwelahan, kung saan nasasangkot ang mga kabataan.
Sa mga isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, isa sa tinitingnang impluwesnsya sa mga kabataan ay ang social media.
Sa mga pag-aaral, kabilang ang mga kabataang Pinoy sa ‘heaviest internet and social media users’ sa buong mundo.
Sa tala, nasa 95.8 million ng mga Pilipino ang natukoy na social media users, o 81.9% ng kabuuang populasyon ng bansa.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mataas ang porsyento ng mga kabataang gumagamit ng social media. Higit sa kanila ay kabataang may edad 10 hanggang 14, at 94% ng kabataang nasa trese anyos.
Gumugugol din ng halos limang oras kada araw o 33 oras at 50 minuto kada linggo ang mga kabataang Filipino sa social media.
Kaya naman hindi nakapagtataka na ang malabis na oras na ginugugol ng mga kabataan sa social media ay nakaka-impluwensya sa kanilang mental health, body image, at academic focus.
Sa findings na inilabas ng mga ahensya gaya ng U.S. Department of Health and Services, ang malabis na paggamit ng social media ay nagdudulot ng pinsala sa mental health ng mga kabataan, gayundin nagagambala ang kanilang pagtulog at naglalantad sa mga kabataan sa “cyberbullying, unrealistic body standards, at addictive design loops.”
Ayon sa mga eksperto, ang mga kabataang may edad disi-sais pababa ay nagsisimula pa lamang na mahubog ang kanilang kaisipan at madali silang maimpluwensyahan.
May mga bansang nagpatupad na ng social media ban sa mga menor de edad, Australia ang kauna-unahang bansang nagpatupad nito mula noong December 2025.
Advertisement
Nais itong sundan ng iba pang European countries gaya ng U.K., Spain, France, at Austria.
Kung tutuusin may bentahe ang paggamit ng social media sa hanay ng mga kabataan, mas mabilis kasing ma-aaccess ng mga kabataan ang impormasyon, gayundin nai-establisa ang koneksyon sa mga kaibigang nasa malayong lugar.
Nagiging platform din ang social media para ibahagi ang kanilang damdamin at nahihinang ang kanilang creativity.
Pero nagiging instrumento rin ang social media para ma-expose ang mga kabataan sa cyberbullying, misinformation, at mental health struggles.
Naniniwala ang mga eksperto na ang pagpapataw ng restriksyon ay hindi solusyon para alamin ang ugat ng online harm at maaaring magsaisantabi sa karapatan ng mga kabataan para sa impormasyon, pagpaparating ng kanilang damdamin at pakikibahagi.
Palaging sinasabi ng mga opisyal ng gobyerno at mga mambabatas ang pangangailangang higpitan ang paggamit ng mga kabataan sa social media. Pero hanggang sa ngayon ay walang konkretong hakbang para isakatuparan ito.
Sa pamamagitan ng social media governance nakapaloob sa mas malawak na development agenda gaya ng edukasyon, inclusion at human rights – matitiyak na ang anomang restriksyon ay hindi lang para limitahan ang mga panganib kundi magbubukas din sa kanila ng daan para sa kanilang katatagan at oportunidad.
Mahalaga ring sabayan ito ng matatag na digital literacy programs para bigyang kapangyarihan ang mga kabataan para sa ligtas at kritikal na paggamit ng online spaces.
Malaking bahagi rin sa paggabay sa mga kabataan ang mga magulang. Dapat silang maging aktibo para bantayan ang mga social media sites at pages na pinupuntahan ng kanilang mga anak at lilimitahan ang oras ng online usage ng mga ito.
Maaari ring hikayatin ang mga anak na magkaroon ng aktibong gawain sa loob at labas ng kanilang tahanan para mapagbuti rin ang kanilang pakikipag-kapwa ng personal sa iba pang kabataan.



Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.