Wed, Oct 14Wednesday, October 14, 2026
NET25 Logo
  • NEWS
  • ENTERTAINMENT
  • OPINION
RADYO AGILAEAGLE FM 95.5
    • News
    • Entertainment
    • Opinion
    • Radyo Agila
    • Eagle FM 95.5
    • Program Schedule
    • About Us
    • Profiles
    • Contact Us
    • Privacy Policy
    • Sales
    • Job Application
  • CONNECT WITH US
NET25 Logo

Your source for news, entertainment, and the best of Philippine broadcasting.

Connect With Us

About

  • About Us
  • Profiles
  • Contact Us
  • Privacy Policy

Contact

  • Contact Sales
  • Job Application

Partners

    © 2026 NET25. All rights reserved.UTC
    ← OpinionNext column →
    Weng Dela Fuente

    Weng Dela Fuente

    Columnist · NET25

    Strategy o pag-amin ng kahinaan?

    Article II na lang ang itutuloy sa impeachment laban kay VP Sara Duterte. Makatarungan bang pabilisin ang paglilitis bago niya masagot ang mga alegasyon?

    October 14, 20264 min read

    Iniurong na nang House prosecution panel ang Articles I, III at IV sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

    Bago ang break ng sesyon ng Kongreso hanggang November 9, 2026, inihain ng prosekusyon sa impeachment court ang hakbang na bawiin na ang tatlong Articles of Impeachment at sa halip ay pagtuunan na lamang ng pansin ang Article II o alegasyon ng unexplained wealth ng Bise Presidente.

    Ang Article IV na unang isinalang sa impeachment trial ay patungkol sa alegasyon ng assassination plots, grave threats at inciting to sedition kaugnay sa sinasabing naging banta ni VP Sara nang kumausap siya ng papatay umano kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Areneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez kung may mangyayaring masama sa kaniya.

    Tinalakay sa Article I ang alegasyon ng misuse of confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong kalihim pa si VP Sara ng kagawaran.

    Ang Article III naman na patungkol sa isyu ng bribery at corruption sa loob ng DepEd ay hindi pa nailalatag sa impeachment trial.

    Sa manifestation ni Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro, sinabi nitong nabuo ng prosekusyon ang desisyon dahil sa paniniwalang sapat na ang naiprisintang ebidensya para sa naiwang article.

    Mas magiging mabilis na aniya ang paglilitis dahil malilimitahan na ang bilang ng testigo at ebidensyang ikukunsidera ng impeachment court para sa kanilang desisyon.

    Pero kinontra ito ng Defense panel. Tinawag ni Atty. Shiela Sison, lead defense counsel ni VP Sara, na unfair ang hakbang ng prosekusyon at ibinabala ang posibleng pagkakaroon ng mistrial.

    Dagdag pa ni Atty. Sison na posibleng magresulta ang hakbang sa seryosong makompromiso ang balance sa pagitan ng nag-aakusa at inaakusahan.

    Dahil sa hakbang ng prosekusyon, sinabi ni Atty. Sison na maaaring palabasin na hindi nililimitahan ng taga-usig ang depensa para sagutin ng kampo ng respondent ang mga inilatag na ebidensya

    Paglilinaw pa ng defense counsel na sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona, binawi ng prosekusyon ang lima sa walong articles of impeachment bago iprinisinta ang ebidensya, hindi tulad sa ginawa ng prosecution panel sa kaso ni VP Sara na nagawang mailatag ang kaso at maiupo sa witness stand ang kanilang mga testigo.

    Inaprubahan naman ni Impeachment Presiding Officer, Senator-Judge Francis ‘Chiz’ Escudero ang pag-urong sa tatlong Articles of Impeachment, ngunit pina-alalahanan nito ang House prosecution panel dapat maingat nitong ikinukunsidera ang paghaharap ng impeachment at binabalaan dahil sa ginawang pagbawi ng reklamo matapos maiprisinta ang kanilang mga ebidensya

    Advertisement

    Sponsored placement

    Kung tatanggapin ang katwiran ng prosekusyon, inalis ang tatlong Articles of Impeachment para sa ikabibilis ng proseso. Pero ang impeachment ay hindi isyu ng paligsahan sa bilis.

    Layon ng impeachment na matapos hindi lang ang isang kasong pampulitika kundi bigyan ng sapat na panahon ang mga senator-judges para magpasya kung may naganap nang paglabag na dapat maparusahan sa pamamagitan ng impeachment.

    Kung ang paghahangad na makatipid sa oras ay magreresulta sa mas malinaw at mas matibay na paglalahad ng ebidensya, walang kuwestiyon na kapaki-pakinabang ito sa publiko. Ngunit kung ang pagpapabilis sa proseso ay magiging dahilan para iwasan ang mga seryosong tanong, mas magiging kaduda-duda sa publiko ang anomang resulta nito.

    Mababalewala rin ang karapatan ng depensa na sagutin ang mga paratang at ebidensyang iniharap laban sa Bise Presidente. Pagdidiin ng depensa na hindi awtomatikong magbabago ang kanilang plano na magharap ng sariling ebidensya at testigo.

    Hindi dapat maging paraan ang pagbabago ng strategy upang mawalan ng saysay ang karapatan ng depensa. Gayundin, hindi dapat maging dahilan ang karapatan ng depensa upang pigilan ang prosekusyon na ituon ang kaso sa mga paratang na kaya nitong patunayan.

    Ang kailangan ay isang malinaw na tuntunin: kung ano ang itutuloy, iyon ang susuriin; kung ano ang hindi na itutuloy, iyon ay hindi dapat tratuhing para bang napatunayan na.

    Hindi maihihiwalay ang impeachment ni VP Sara sa mas malawak na tunggalian sa kapangyarihan sa Pilipinas. Ang paglilitis ay potensiyal na makaapekto sa kanyang pampulitikang kinabukasan, kabilang ang posibilidad ng pagtakbo sa 2028 Presidential polls.

    Para sa mga kritiko ni Duterte, maaaring ituring ang pagpili sa isang artikulo bilang pagtatangkang tutukan ang usaping pinakamadaling mapatunayan. Para naman sa kanyang mga tagasuporta, maaari itong maging dahilan upang kuwestiyunin kung talagang matibay ang mga naunang paratang.

    Ang isang makatarungang proseso ay dapat kayang tiisin ang parehong pagsisiyasat: ang pagsisiyasat sa mga alegasyon laban sa opisyal at ang pagsisiyasat sa integridad ng mga nag-aakusa.

    May mas malalim na aral dito. Sa isang bansang madalas nahahati sa mga kampong pampulitika, ang impeachment ay madaling maging entablado para sa mga naratibong nilalayong magpalakas o magpahina sa isang personalidad. Ngunit ang impeachment ay hindi dapat maging instrumento lamang upang alisin ang isang kalaban o protektahan ang isang kaalyado.

    Dapat itong maging mekanismo upang matiyak na ang kapangyarihang ipinagkatiwala ng publiko ay ginagamit salig sa Konstitusyon at sa mga pamantayan ng pampublikong tungkulin.

    Was this worth reading?
    Share

    Reader comments

    Comments are closed for this article.

    No comments yet.

    Weng Dela Fuente

    Weng Dela Fuente

    Columnist · NET25

    The views expressed are the author’s own.

    See all columns by Weng →

    Keep reading

    Next columnSinong dapat bumili ng isang baldeng utak?By Nelson M. LubaoKailangan daw ng isang baldeng utak para maunawaan ang payo ng Pangulo na bumili ng balde para sa El Nino. Sagot ba ito o insulto sa naghahanap ng plano? Sino ba dapat ang may isang baldeng utak?→

    More from Weng

    Jurisdiction ClashSep 11→ SOCIAL MEDIA BANAug 27→Dagat ng basuraAug 15→

    More voices in Opinion

    11.5 bilyong shabu, kaninong parcel ito?Nelson M. Lubao·Oct 11→Will AI kill us by 2030?Rikki Mathay·Oct 11→
    ←NET25 Opinion