Mag-iimbita ng dalawang amici curae o ng tinatawag na friends of court para magbigay linaw sa isyu ng threshold sa kailangang bilang ng boto sa impeachment para i-convict ang isang impeachable official na sa pagkakatong ito ay si Vice President Sara Duterte.
Sa Day 23 ng Impeachment trial nitong Lunes, September 07, 2026, binuhay ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang kwestyon kung sino sa mga miyembro ng Senate Impeachment Court ang maaaring bumoto.
Dahil sa pag-urong ng prosekusyon na iupo pa sa witness stand ang 15 sa 27 ipina-subpoena nito para sa Article 1 o alegasyon ng misuse and misappropriations ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Agriculture (DepEd) noong kalihim pa nito si VP Sara, sinabi ni Tulfo na nagbabago ang kalendaryo ng paglilitis at tila mapapabilis ang kanilang pagboto.
Sa pagsisimula pa lamang ng Impeachment Trial noong Hulyo, nilinaw at binigyang-diin na ni Impeachment Presiding Officer Senator-Judge Francis ‘Chiz’ Escudero na susundin nila ang itinatakda ng Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution na nagsabing “no person shall be convicted without the concurrence of two-thirds (2/3) of all Members of the Senate.”
Pero sa manifestation ni Tulfo, tinukoy nito ang kasalukuyang komposisyon ng senado kung saan ilan sa mga miyembro ay wala sa mga paglilitis.
Naka-medical leave si Senadora Loren Legarda na nagpapagamot dahil sa kaniyang respiratory illness, kapwa naman naka-detine sa New Quezon City Male Dormitory sina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta na humaharap sa kani-kanilang kaso sa Sandiganbayan at patuloy pa ring nagtatago si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa dahil sa warrant of arrest na inisyu laban sa kaniya ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kaniyang bahagi sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Advertisement
Sa ilalim din ng Konstitusyon, itinitiwala sa Senate Impeachment Court ang solo at ekslusibong kapangyarihan na litisin at desisyunan ang impeachment cases.
Pero hindi maikakaila ang pagkakaroon ng jurisdictional tension sa Korte Suprema, na siya namang may karapatan na repasuhin ang constitutional compliance ng impeachment proceedings.
Sa debate ng mga senator-judges sa nakaraang paglilitis, kinuwestiyon ni Tulfo kung dapat na bang baguhin ang rules ng Senado sa gagawing pagboto o susundin pa rin ang two-thirds vote.
Nangangamba si Tulfo na magkaroon ng “acquittal-by-default” kung pahihintulutan ang mga absent na senador sa paglilitis kung isasama ang bilang nila sa computation para sa desisyon ng impeachment trial
Naniniwala ang ilang eksperto sa batas na magandang malinawan ang usapin.
Bagama’t maaaring panindigan ng Senate Impeachment Court ang awtoridad na litisin ang isang impeachable official, ang kasalukuyang kuwestiyon ay patungkol sa ispesipikong probisyon ng Saligang Batas.
Pero panahon na ba para manghimasok sa usapin ang Supreme Court? Maaaring sumang-ayon dito ang Mataas na Hukuman pero posible ring ipaubaya nito ang isyu sa Senado.
Ang importante ay magkaroon ng malinaw na rules ang Senado o ang Korte Suprema kung sino bang mga senador ang maaaring bumoto para determinahin ang bilang na kinakailangan ng batas para i-convict o i-acquit ang isang impeachable official.
At mahalaga na masunod ang layunin ng Konstitusyon at hindi ang hangad ng ilan para baliin ang batas.



Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.