Tone-toneladang basura ang tumambad sa maraming lugar sa Metro Manila, lalo na sa Paranaque City sa nakalipas na mga araw na nagdulot ng matinding pagbaha.
Hindi pa nga malalakas na bagyo, Southwest Moonsoon o Habagat pa lamang ang naranasan ng Metro Manila, nagresulta na sa hanggang bewang at lampas taong pagbaha sa ilang lugar sa Paranaque, Las Piñas at Muntinlupa.
Mataas din ang pagbahang naranasan sa ilang lugar ng Maynila, Malabon, Quezon City at mga karatig lugar ng Rizal, Cavite, Laguna, Bulacan, Pampanga at Bataan.
Sa ulat ng PAGASA, bumuhos sa ilang bahagi ng Metro Manila ang ulan na katumbas ng 90% na karaniwang ibinubuhos sa buwan ng Agosto mula lamang noong August 1 to 9.
Sa Baguio City, naitala ang 1,413.2 mm ng ulan mula August 1 to 9, na higit sa 963.2mm na August average rain ng Lungsod.
Isa sa tinukoy na dahilan ang mga basura na karamihan ay plastic na nagpapabara sa mga drainage, water system at pumping stations kaya’t mas nagiging matindi ang problema sa baha.
Bukod pa iyan sa mga sinasabing palpak at dispalinghadong flood control projects na ginugulan ng bilyung-bilyong piso ng gobyerno na hindi napapakinabangan dahil sa nakumpleto man ay substandard naman kaya’t madaling nasira, habang ang ilan ay matagal nang under construction pero hindi pa rin nakukumpleto at ang malala ay kung kabilang ang tinukoy na proyekto sa mga ‘ghost’ flood control projects.
Sa paglalarawan ng mga opisyal ng gobyerno, nasa kritikal o papunta na sa crisis level ang problema ng bansa sa basura.
Sa record ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), aabot sa halos 61,000 metric tons ng basura ang nakokolekta sa buong bansa sa loob lamang ng isang araw. 10,000 metric tons ng basurang ito ay galing sa Metro Manila at 24% ng basurang nakukolekta ay plastic.
Dagdag pa ng DENR na nagpo-produce ang bansa ng nasa 163 million ng plastic sachet packets, 48 milyong shopping bags at 45 million na thin-film bags kada araw. Ang 33% ng mga plastic na ito ay itinatapon sa mga landfills at dumpsites, habang ang 35% iba pa ay napupunta sa open environment at mga karagatan.
Advertisement
Paano nga ba humangga sa ganitong sitwasyon ang Pilipinas? Hindi ba’t may mga kaukulang batas nang naipasa para sa waste management? Kabilang nga sa mga ito ang Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act at Republic Act No. 11898 o Extended Producer Responsibility Act.
Pero naging hadlang sa implementasyon ng mga batas na ito ang mahinang pagpapatupad ng mga nasa lokal na pamahalaan, gayundin ang kawalan ng uniform national single-use bans, limitadong recycling infrastructure, at ang mas pagtutuon sa collection targets sa halip na bawasan ang paggamit ng plastic.
Sa ngayon ay may kani-kaniyang ordinansa ang bawat lungsod at munisipyo para sa implementasyon ng single-use plastic ban at ang sinumang lalabag ay may pataw lamang ng multa na aabot sa P5,000.
Sa harap ng kasalukuyang problema sa pagbaha at mala-dagat na basura, ikinukunsidera ngayon ng gobyerno ang waste-to-energy solution o ang mga basura ay iko-convert para gawing enerhiya.
Magandang bagay kong masosolusyunan ang problema ng bansa sa basura. Sa panukalang Waste-to-Energy (WtE), mababawasan ang espasyong kailangan para sa landfill at matitiyak ang maaasahang elektresidad para sa mga komunidad at negosyo.
Mababawasan din ang greenhouse gasses na nanggagaling sa mga nabubulok na basura sa mga landfills at maaari ring makakuha ng recyclable valuable metals ang mga operators mula sa maiiwang abo.
Pero may pangamba rin sa magiging epekto nito sa kapaligiran. Karaniwang gagamit ng incinerator ang WtE na sinasabing posibleng magresulta sa air pollution dahil sa carbon dioxide at iba pang gasses na ibubuga nito,
Bukod pa sa usapin ang malaking halaga na magugugol sa pagtatayo ng specialized thermal plants at filters para mapanatiling malinis ang emission nito.
May pangamba rin ang publiko sa masamang epekto sa kalusugan ng WtE at pagkakaroon ng polusyon sa mga lugar malapit sa pagtatayuan ng planta.
Bahagi ng responsibilidad ng gobyerno na balansehin ang buti at sama ng panukala at tiyakin ang maayos na implementasyon nito upang hindi masayang at matulad sa iba pang ipinanukala na nauwi sa wala.



Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.