Biyaya na napurnada pa!
Ito ang namamayaning damdamin ng maraming manggagawang Pilipino matapos pigilan ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) ang P85 minimum wage increase.
Epektibo sana noong July 23, 2026 ang NCR Wage Order No. 27 na nagtakda ng umento sa kita ng mga minimum wage earners sa Metro Manila, na matatanggap sa dalawang tranches. P60 sa first tranche at P25 sa second tranche na magiging epektibo simula sa January 20, 2027.
Sa ilalim ng kautusan, aakyat sa P780 per day ang magiging kita ng mga non-agricultural workers mula sa P695/day sa sandaling maipatupad nang lubos ang wage hike.
Ang mga agriculture, retail/service workers naman na may trabahador na 15 pababa at small manufacturing na may empleyado na hindi lalampas sa 10 ay aakyat sa P743/day.
Ibinaba ng Pasig City RTC ang temporary restraining order (TRO) sa implementasyon ng wage hike kasunod ng petisyong isinumite ng dalawang construction company — ang Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc.
Sa kanilang petition for declaratory relief, sinabi ng mga construction companies na higit na patataasin ng kautusan sa wage hike ang kanilang operating costs at hindi rin daw sumailalim sa maayos na evaluation ang kakayahan ng mga employers para sumunod sa dagdag-sweldo.
Nagprotesta ang grupo ng mga obrero sa desisyon ng mababang hukuman.
Nagharap din sila sa Korte ng Urgent Motion for Leave to Intervene, gayundin ng Mosyon para bawiin ang TRO at magbaba ng status quo order.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, bihira na nanghihimasok ang hukuman sa isyu ng dagdag sweldo ng mga manggagawa.
Advertisement
Sa ilalim kasi ng Article 126 ng Philippine Labor Law, malinaw na isinasaad na “no court may issue an injunction or restraining order against any proceedings or issuance of the National Wages and Productivity Commission (NWPC) or the Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB).”
Kaya naman sa Article 123 ng nasabi ring batas, iminamando na “any party unsatisfied with a regional wage order must appeal directly to the NWPC within 10 calendar days from publication, requiring administrative exhaustion before any external action.”
Sa bawat panahon, nagbababa ng kautusan ang Wage Board para sa dagdag-sweldo ng mga manggagawa sa bawat rehiyon ng bansa.
Dumedepende ito sa umiiral na socioeconomic standards at criteria. Ikinukunsidera rito ang pangangailangan ng mga manggagawa para sustinihan ang disenteng pamumuhay, ang epekto ng inflation at presyo ng mga bilihin at kung paano nakaka-apekto ang presyo ng bilihin sa purchasing power ng isang mamamayan.
Sa ngayon ay kapos na ang kinikita ng mga manggagawa para sa pangunahing pangangailangan ng pamilya gaya ng pagkain, pangangalaga sa kalusugan, renta sa disenteng bahay na tutuluyan, at edukasyon ng mga anak.
Pero kasama rin sa dapat timbangin ang abilidad o kakayahan ng mga lokal na industriya at maliliit na negosyo para bayaran ang dagdag na sweldo na hindi maapektuhan ang kanilang operasyon o magbabawas ng empleyado.
Hindi madaling balansehin ang kapwa interes ng negosyo at ng mga manggagawa sa isyu ng taas-sweldo. Kaya naman kailangang magdoble-kayod ang gobyerno para madagdagan pa ang mga namumuhunan (investors) sa bansa na magkakaloob ng dagdag na trabaho para sa mga mamamayan at dapat aksyunan ang pagwawaldas at pagnanakaw sa kaban ng bayan para ang pondo ng gobyerno ay magamit nang tama sa pangangailangan ng sambayanan.




Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.