Sinabi ng Pangulo sa SONA na maglulunsad tayo ng rocket papuntang space. Palakpakan. Standing ovation. Akala mo tayo na ang susunod na Cape Canaveral.
Nang tanungin sa Palace briefing kung ano ang mapapala natin dito, ganito ang sagot ni Palace Press Officer at Undersecretary Atty. Claire Castro: “Ito po ay isang parte ng pag-asenso ng bansa. Common, common sense.” Dagdag pa niya: “Iyong mga tumataas ang kilay, ibaba na nila.”
Common sense din ang pagtatanong. Ang taong tumataas ang kilay ay hindi kaaway ng pag-unlad. Siya ang nagbabayad nito. Common sense na alamin muna kung magkano bago ka pumalakpak. Common sense na huwag tawaging space ang isang test flight na aabot lang sa limang kilometro mula sa lupa—mas mababa pa sa tuktok ng Mount Everest, kalahati lang ng cruising altitude ng eroplano mo papuntang Cebu.
Ang problema sa “common sense” bilang sagot ay hindi ito sagot. Ito ang sinasabi mo kapag ayaw mong sumagot.
MAGKANO? WALANG SAGOT.
Wala pa. Walang inilathalang project cost ang PhilSA, ang DICT, o ang CEZA. Walang cost-sharing. Walang breakdown. Ang tanging dokumento ay isang Memorandum of Understanding na nilagdaan noong Marso 2026, kasabay ng state visit ng Pangulo ng South Korea. At ang MOU ay hindi kontrata—walang halaga, walang obligasyon, walang pananagutan.
Ang tanging numerong hawak natin: ₱1.38 bilyon ang hinihingi ng PhilSA sa 2026 budget, at iyan ay para sa buong ahensya—satellite, mapping, disaster monitoring, lahat. Ang ahensyang iyon ang nakagastos lamang ng 4.61 porsiyento ng capital outlay nito noong Hunyo 2025, ayon kay Sen. Camille Villar. Nagbitiw pa ang kauna-unahang director general nito. Iyan ang aatasan nating magpatakbo ng isang spaceport.
SAAN? AT KANINO?
Cagayan North International Airport, Lal-lo, Cagayan—hindi Isabela, kaya't hindi ito bakuran ng mga Dy o ng mga Albano. Ang implementing partner ay ang Cagayan Economic Zone Authority, pinamumunuan ni Administrator at CEO Katrina Ponce Enrile, kasama ang pribadong Ascend International Gateway Inc. ni Ramon C. Garcia Jr. Korean ang rocket, galing sa Perigee Aerospace.
Kaya linawin natin. Gobyerno ang lupa. Dayuhan ang teknolohiya. Pribado ang mananatili sa dulo. Pilipino lang ang pangalan sa press release—at ang pera.
ANG BAGONG GATASAN
Alam natin ang recipe. Nakita na natin.
Kunin mo ang isang proyektong walang inilathalang halaga. Ilagay mo sa loob ng isang special economic zone na may sariling panuntunan. Ilayo mo sa Maynila. Bigyan mo ng pangalang teknikal na walang mamamahayag na makatitiyak. Tawagin mong public-private partnership para hindi malinaw kung kaninong pera ang nasusunog.
Advertisement
Iyan mismo ang hugis ng flood control. Teknikal. Malayo. Paulit-ulit. Walang nagtanong hangga't hindi bumabaha.
At tingnan mo ang naging presyo. Ayon mismo kay Finance Secretary Ralph Recto, umabot sa ₱42.3 bilyon hanggang ₱118.5 bilyon ang nawala sa “ghost” flood control projects mula 2023 hanggang 2025. Mahigit ₱180 bilyon sa mga bank account ng apat na contractor ang na-freeze. Animnapu't anim na katao ang na-refer sa Department of Justice.
Ang pinakadelikadong proyekto ay hindi ang pinakamahal. Ang delikado ay ang hindi mo masukat. Kapag walang benchmark—kapag walang nakakaalam kung magkano ba talaga ang isang launch pad, isang fuel storage, isang tracking station, isang kalsada sa loob ng eco zone—lahat ng presyo ay puwedeng maging tama. At lahat ng sobra ay puwedeng maitago.
Walang bumabaha sa spaceport. Kaya walang magsasabi sa atin kung kailan ito nabigo.
At heto ang dapat sabihin nang malinaw: malapit na ang 2028.
Baka ang mga proyektong binubuksan ngayon ang magiging pondo ng susunod na eleksyon?
Ganyan gumagana ang sistema. Hindi nagnanakaw ang mga buwaya dahil gutom sila. Nagnanakaw sila dahil may kampanyang babayaran. Ang bawat linya ng imprastrakturang walang presyo ngayon ay posibleng war chest sa 2028—at ang bayad doon ay hindi lang pera. Ang bayad ay ang susunod na Kongreso.
Wala akong ebidensyang may ninanakaw sa rocket na ito. Ulitin ko: wala. Ang mayroon ako ay padron. At ang padron ay hindi paratang—ito ay babala.
At ang pinakamahalaga: ano ang pinag-uusapan natin ngayon? Rocket. Hindi flood control. Isang taon lang matapos ang SONA na nangako ng paglilinis, ang naiuwi ng bayan ay isang rocket sa Cagayan. Hindi ko sinasabing sinadya. Sinasabi ko na epektibo.
Ang pinakamurang paraan para baguhin ang usapan ay bigyan ang tao ng bagong bagay na titingnan. At walang mas mataas na matitingnan kaysa langit.
ANG HAMON
Habang nagpaplano tayo ng five-kilometer flight, tatlong shift pa rin ang mga bata natin sa iisang silid-aralan. Hinihingan ka pa rin ng deposito bago ka matingnan sa ospital. Hindi bumababa ang presyo ng bigas sa palengke.
Hindi ako kontra sa space program. Kontra ako sa spectacle na ipinapalit sa serbisyo, at sa proyektong walang presyo.
Kaya simple lang ang hamon: ilathala ang kontrata. Ilabas ang project cost. Sabihin kung magkano ang public, magkano ang private, at kanino mapupunta ang spaceport pagkatapos ng test.
Gawin ninyo 'yan, at ako mismo ang unang titingala sa langit ng Lal-lo pagdating ng 2027. Ibababa ko pa ang kilay ko nang kusa.
Kung hindi—kung tahimik, kung padalus-dalos, kung pamilyar ang mga pangalan at mas pamilyar ang katahimikan—eh 'di alam na natin ang sagot.
Rocket? O raket na naman?



