Setyembre 6, sa The Manila Times, sinimulan ni Jay Miranda ang kaniyang kolum sa isang eksperimento noong 1872 — ang pinanggalingan ng tinatawag nating boiling frog. Ang palakang inilagay sa tubig na dahan-dahang pinainit ay hindi tumatalon. Hindi dahil mangmang. Kundi dahil kaya nitong mag-adjust — hanggang sa hindi na nito kaya, at huli na ang lahat.
Ang palakang ihuhulog mo sa kumukulong tubig ay tatalon agad. Ang palakang pinakuluan nang unti-unti ay mamamatay sa loob ng kaldero.
Ganoon tayo sa baha.
Bukung-bukong lang naman. Isang araw na walang kita. Kaunting sirang gamit. Kaya pa. Kaya pa. Hanggang isang umaga, paggising mo, lubog na ang lahat ng pinaghirapan mo.
At ito ang linyang hindi ko matanggal sa isip. Sabi ni Miranda:
"Filipinos have relied on their ability to adapt to discomfort and life-threatening situations just to survive. We call this resilience. Sadly, it has become a deeply abused and devalued trait."
Tinawag nating katatagan ang pagtitiis. Ginawa nating birtud ang dapat sanang babala.
Ang salitang ninakaw sa atin
Isipin mo kung gaano kaginhawa ang salitang resilience para sa isang opisyal.
Kapag matatag ang tao, hindi na kailangan ng kanal. Kapag matatag ang tao, sapat na ang ayuda. Kapag matatag ang tao, ang larawan ng nakangiting pamilyang nakasakay sa bangka ay hindi na kabiguan ng estado — inspirasyon na. Purihin mo ang tibay ng biktima at natanggal mo ang tanong kung sino ang may kasalanan.
Iyon ang punto ni Miranda na dapat ikinukulong sa dibdib ng bawat botante: ang katatagan ay ginawang pamalit sa pananagutan. At habang pinupuri ang tibay natin, may bilyon-bilyong pondo sa flood control na hindi umabot sa kanal.
Hindi tayo matibay. Wala lang tayong ibang pagpipilian.
Ang walang paliwanag
Isang araw bago 'yon, Setyembre 5, sa The Philippine Star, mas malamig ang lapit ni Alex Magno.
Isa ang hinahanap niya: paliwanag.
Wala. Lubog pa rin ang malaking bahagi ng Gitnang Luzon. Barado ang NLEX. Sinuspinde ang klase sa unang patak pa lang. Pero wala pa ring tuloy-tuloy na tantiya ng pinsala sa imprastraktura at sa sakahan — para bang kung mananahimik tayo tungkol sa halaga, kusa itong liliit.
Ang narinig natin sa halip: paliwanag tungkol sa tubig na umiwas daw sa mga dam. Sisi sa mga motoristang nagpumilit dumaan sa binahang expressway — na para bang naglilibang lang sila at hindi naghahanapbuhay. At mungkahi ng isang gobernador na dredge-in ang dagat, na tila may sea level na maaaring pakiusapan.
Tapos, ang pinakapaboritong sagot: masterplan. Sabi ni Magno, may masterplan na tayo. Nasa istante ng mga dekada. Binalewala.
Dito na siya pumasok sa totoong sakit, at tama siya. Ang mahabang plano ay nangangailangan ng mahabang pangako sa badyet. Isang taon lang ang abot ng ating badyet. Ang proyektong may bunga sa 2035 ay walang silbi sa kandidatong may eleksiyon sa 2028. Kaya sa panukalang 2027 budget, nawala ang pondo ng north-south commuter rail. Kaya ang Pax Silica — ang huling pagkakataon ng administrasyong ito na mag-iwan ng marka — ay bulung-bulungan nang lilipat na lang sa Malaysia, kung saan ikaapat na bahagi lang ng singil natin ang kuryente.
Ang puhunan ay laro ng tiwala. Ang gobyernong hindi kayang ipaliwanag kung bakit lumubog ang isang tollway nang ilang araw ay hindi rin mapagkakatiwalaan ng planta ng chip.
Advertisement
Kaya pala walang sagot. Ang totoong sagot ay pag-amin.
Ang Palakang Pinoy
At dito nagtatagpo ang dalawang kolum.
Nagtapos si Magno sa isang tagpong napakaliit at napakalaki:
"While Mega Manila was submerged in water and in the global news, my son messaged from abroad: why aren't the people revolting?"
"We are too exhausted just surviving."
Iyan ang kulang sa boiling frog ni Miranda.
Hindi tumalon ang palaka hindi lang dahil unti-unti ang init. Hindi tumalon ang palaka dahil naubos na ang lakas niyang tumalon. Ginugol niya ang buong araw sa pag-adjust. Wala nang natira para sa pagtakas.
Ganito ang hitsura ng bansang dinadaan sa pagtitiis. Gumigising ka nang alas-kuwatro para sa trabahong aabutin ng alas-nuwebe o hating-gabi pa. Gising ka ng buong magdamag kapag umuulan para maiakyat ang mga gamit na mababasa ng tubig-baha. O kaya ay lilikas pa papuntang evacuation center. Nagbabayad ka ng buwis, tapos nagbabayad ka ulit ng toll, tapos nagbabayad ka rin ng nakaw na kuryente sa systems loss. Hirap kang makauwi sa sobrang traffic. Wala nang natira.
At alam nila 'yon. Iyon ang pinakamadilim na bahagi. Ang pagod ay hindi aksidente ng maling namumuno — ito ang pinakamatibay nitong pananggalang. Ang bayang kapos sa tulog ay hindi nagbabantay. Ang bayang lubog ay hindi nag-aaral ng badyet. Ang bayang pinupuri sa tibay ay natututong ikahiya ang sariling galit.
Ang tanong
Babalik at babalik ang ulan. Iyan lang ang tanging tiyak sa kuwentong ito.
Babalik ang parehong kanto. Babalik ang parehong reporter na nakabota sa parehong kalye. Babalik ang parehong presscon, ang parehong imbestigasyon, ang parehong pangakong masterplan. At babalik tayo — mga palakang pinakuluan, pinupuri sa tibay habang niluluto.
Kaya huwag na tayong maghintay ng pag-aalsa. Hindi rin naman tayo pabor diyan — sumusunod tayo sa batas, at doon dapat tayo manalo. Hindi 'yan ang sukatan.
Ito ang sukatan: gumising at manatiling nagbabantay. Iyon lang ang paraan para lumabas ang katotohanan. Hindi kailangang magsunog ng gulong para itanong kung saan napunta ang pera. Kailangan lang na huwag kang lumingon sa ibang direksiyon kapag ang isinagot sa 'yo ay masterplan.
At sa susunod na Agosto: mas mataas ba o mas mababa ang tubig sa parehong kalye? Kung mas mataas, may pangalan ang mananagot. Hindi ang habagat. Hindi ang klima. Hindi ang palaka.
Kumukulo na ang tubig. Kung ang katatagan ang tanging naiwan sa atin, hindi 'yan bentahe — resibo 'yan ng lahat ng ipinagkait sa atin. Ilang Agosto pa bago natin singilin ang nagbigay nito?



Reader comments
Comments are closed for this article.
No comments yet.