Inilunsad ng National Health Service (NHS) ng England ang pinakamalaking trial sa mundo ng paggamit ng artificial intelligence (AI) sa breast cancer screening na lalahukan ng halos 700,000 kababaihan sa loob ng tatlong taon.
Nagkakahalaga ng £10 milyon o katumbas ng humigit-kumulang ₱836 milyon ang programa na susuri kung makatutulong ang AI sa mas maagang pagtukoy ng breast cancer at pagpapabilis ng diagnosis, habang nababawasan ang trabaho ng mga espesyalistang doktor.
Gagamitin ang AI-assisted tools sa pagsusuri ng mga larawan mula sa routine mammograms, katuwang ang mga clinician. Susubukan din kung maaari nang isang espesyalista na lamang ang magsuri sa karamihan ng mga larawan sa halip na dalawa gaya ng kasalukuyang proseso.
Isasagawa ang trial sa 30 screening sites sa buong England. Ayon sa NHS, mananatiling normal ang screening appointments at may mga doktor pa ring susuri sa mga resulta upang matiyak ang kaligtasan at pagiging epektibo ng teknolohiya.
Tinatayang 55,000 kababaihan ang nadi-diagnose na may breast cancer bawat taon sa United Kingdom.



