Hindi muna matatanggap ng mga manggagawa sa Metro Manila ang unang bahagi ng ₱85 dagdag-sahod matapos maglabas ng status quo ante order ang isang korte sa Pasig.
Kasunod ito ng petisyong inihain ng Readycon Trading and Construction Corp. at R-11 Builders Inc. na kumukuwestiyon sa bisa ng wage hike.
Matatandaang dapat sanang ipatupad ngayong Hulyo ang unang ₱60 umento, habang ang natitirang ₱25 ay nakatakda sa Enero 2027. Sinabi ng DOLE na susundin nila ang utos ng korte habang dinidinig ang kaso.



