Sa pangunguna ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, inihahatid sa iba't ibang komunidad at mga sektor ng lipunan ang Lingap sa Mamamayan, sa layuning matulungan ang mga kababayan nating nangangailangan.
Kamakailan ay personal na sumulat ang mga nanunungkulan sa ikatlong legislative district ng Camarines Sur para mapagkalooban ng tulong ang mga persons with disabilities (PWD).

Kaya naman, sa pagpapatibay ng pamamahala ng Iglesia Ni Cristo, isinagawa sa tatlong munisipalidad sa Camarines Sur ang Lingap sa Mamamayan noong Huwebes, Hulyo 30.

Libu-libong mga residente at mga PWD ang nahatdan ng food packs mula sa Iglesia Ni Cristo.

Ang pagbibigay ng tulong sa mga PWD ay bahagi rin ng pakikiisa ng Iglesia Ni Cristo sa 48th National Disability Rights Week ngayong taon.
Isinagawa ang malawakang paglingap sa tatlong malalaking dako: ang Sta. Cruz Activity Center sa Naga City, San Jose Covered Court sa Pili at Octagon Covered Court sa Calabanga.
Sa tala ng National Council on Disability Affairs, may mahigit 2.7 milyong Pilipino na kabilang sa sektor ng mga persons with disabilities.
Aktibo naman ang Iglesia Ni Cristo sa ginagawang pagtulong sa mga nangangailangan, kabilang ang mga mamamayang differently-abled, sa pamamagitan ng Christian Society for the Differently-Abled ng Christian Family Organizations.
Sa kanilang social media posts, nagpaabot naman ng mensahe ng pasasalamat ang mga opisyal ng mga munisipalidad na nahatdan ng tulong mula sa Iglesia Ni Cristo.
Walang pinipili ang Iglesia Ni Cristo sa ginagawa nitong pagtulong kaya nararating din ng programang Lingap sa Mamamayan ang iba't ibang sektor ng lipunan, kabilang na ang mga PWD.
Photos contributed by Naga City, Camarines Sur District Multimedia c/o Bro. Jessie Abad and Radyo Agila Naga



