Pinarangalan bilang Woman of the Year ang founder at Chief Executive Officer (CEO) ng Brilliant Skin Essentials na si Glenda Dela Cruz sa ginanap na Asia Leaders Awards noong Miyerkules, Nobyembre 25, 2026, sa The Bellevue Hotel, Alabang, Muntinlupa City.
Ang prestihiyosong pagtitipon, na inorganisa ng Tag Media Group at inihandog ng Rising Tigers and Nation Builders Magazine katuwang ang Philippine Information Agency (PIA) at mga miyembro ng Diplomatic Corps, ay dinaluhan ng mga piling lider mula sa sektor ng negosyo, pamamahala, at iba't ibang ambassador sa Pilipinas.
Alinsunod sa tema ng programa na "Lead • Inspire • Transform," ibinahagi ni Ms. Glenda sa kanyang talumpati ang kanyang pinagdaanan sa pagpapalago ng Brilliant Skin Essentials, mula sa simpleng pagsisimula hanggang sa pagiging isa sa mga nangungunang lokal na brand sa bansa. Binigyang-diin niya na sa likod ng bawat pagkilala ay ang maraming taon ng pagsisikap, sakripisyo, mga pagsubok, at panalangin.

"As a woman, entrepreneur, and CEO of Brilliant Skin Essentials, this recognition reminds me that every effort and every dream is worth pursuing," pahayag niya.
"More than the title, I hope this inspires more women to believe in themselves, take risks, and build something of their own. Sa lahat ng women out there na may kanya-kanyang pangarap, keep believing in yourself. Huwag susuko. Darating din ang time ninyo," dagdag pa niya.
Kasabay ring ginanap sa nasabing seremonya ang Outstanding Local Government Unit (LGU) Awards Philippines, na kumikilala naman sa mga lokal na pamahalaang may natatanging inisyatiba para sa pagpapaunlad ng kani-kanilang komunidad.
Ang taunang Asia Leaders Awards ay nagbibigay-pugay sa mga indibidwal at organisasyong patuloy na nag-aambag sa pag-unlad ng ekonomiya at lipunan sa Pilipinas at sa buong rehiyon ng Asya.



